MARIING tiniyak ni National Security Adviser (NSA) Eduardo Año na ‘transparent’ ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) deal sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Base sa napagkasunduan ng Pilipinas at Amerika, itatayo ang apat na Enhanced Defense Cooperation Agreement sites sa Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News, sinabi ni Año walang lihim ang maitatago sa EDCA deal dahil ‘digital’ na ang mundo ngayon.
“Ako mismo, tinitiyak natin na lahat ng napupuntang impormasyon sa Presidente ay totoo at talagang nanggaling sa ground,” ani Año.
Tiniyak din ni NSA Año na ginagawa nila ang lahat para gabayan ang Pangulo sa pagpapasya sa anumang isyu.
Kamakailan, hindi nagpadala si Pangulong Marcos sa negatibong pagtingin ng nakararami sa isang pahayag kamakailan ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa kaligtasan ng mga OFW na nagtatrabaho sa Taiwan.
Sabi ni Ambassador Huang na dapat tutulan ng Pilipinas ang kasarinlan ng Taiwan kung may malasakit daw tayo sa mahigit 150,000 OFWs doon.
“I think it must have been an element yung lost in translation. English is not his first language but I am very interested to know what is it that he meant,” ayon kay Pangulong Marcos.