NSC, susuriin ang impormasyon ng self-confessed Chinese spy ukol kay Alice Guo

NSC, susuriin ang impormasyon ng self-confessed Chinese spy ukol kay Alice Guo

NAGLABAS ng documentary ang isang international media tungkol sa isang umano’y Chinese spy at nabanggit ang isang Guo Hua Ping na di umano’y si dating Mayor Alice Guo.

Sa pagdinig ng House Quad-Committee kamakailan ay ipinakita ang video documentary patungkol sa isang She Zhijiang na isa umanong kapwa Chinese spy ni Guo.

Ipinakita rin ang larawan umano ni Guo kung saan tinawag siyang ‘state agent’ ng Tsina.

Mariin namang pinabulaanan ni Guo na siya’y isang Chinese spy sa Pilipinas habang kitang-kita ang pagkainis nito sa mga tanong ng mga mambabatas, sabay binigyang-diin na mahal niya ang Pilipinas.

Sa panig naman ng National Security Council (NSC), sinabi ni Assistant Director General Jonathan Malaya na pinag-aaralan ngayon ng ahensiya ang patungkol sa ulat na ito.

Aniya, kailangan muna nilang suriin at i-validate ang mga impormasyong inilabas ni She Zhijiang, na nakakulong ngayon sa Bangkok batay sa kahilingan ng pamahalaan ng Tsina.

“Because of its security implications ‘no, pero, hindi po kasi natin puwedeng sabihin immediately na tama ito or tama itong impormasyon na ito, because it is just one report,” pahayag ni Jonathan Malaya, Assistant Director General, NSC.

Dagdag ni Malaya, mahalaga na masuring mabuti ang mga alegasyong ito dahil maaari ding parte ito ng disinformation campaign sa panig ni She Zhijiang, lalo’t kasalukuyan niyang hinaharap ang extradition charges pabalik ng China.

“Kasi nga, he is fighting extradition charges. So, since he is fighting extradition charges, importante rin sa kanya ma-internationalize iyong isyung ito, to draw attention to himself ‘no, by saying I’m an MSS spy at may mga kilala akong MSS spy, para magkaroon ng simpatiya kanya iyong mundo para hindi na siya ma-extradite.”

“Kasi, sinasabi niya ‘pag tumuntong na daw siya sa kalupaan ng PRC mamamatay daw siya,” dagdag ni Malaya.

Binigyang-diin ni Malaya ang kahalagahan na maging maingat sa pagtukoy kung ang mga sinasabi ni Zhijiang ay totoo ba o nandadawit lang siya ng iba dahil baka gawa-gawa lang niya para makakuha ng simpatiya sa publiko.

“To draw attention to his situation, kasi nakakulong nga siya ngayon and his fighting for his freedom.”

“He is a self-confessed spy of the MSS, he is a national of Cambodia, he’s Cambondian ‘no, he is a head of an international crime syndicate ‘no, and he’s a wanted person,” aniya.

Sa kabilang banda naman, kokonsulta ang NSC sa kanilang partner intelligence agencies abroad para mapagtagpi-tagpi o malaman ang tunay na dahilan at tunay na personalidad ni Alice Guo, kung talaga bang siya ay agent ng MSS ng China.

Kung lalabas naman sa imbestigasyon ng NSC na si Guo ay mapatutunayang spy ng Ministry State of Security ng PRC, ay talaga rin aniyang mabigat-bigat ang implikasyon nito.

“Because ibig sabihin ay may ganitong nangyayaring operasyon ang PRC dito sa ating bansa. Merong ginagamit silang mga tao para mahalal sa mga posisyon. Medyo mabigat-bigat ‘yung implikasyon nito kung mapapatunyang siya talaga ay PRC agent,” aniya pa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble