PORMAL nang nilagdaan ng National Youth Commission (NYC) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11768 na inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Mayo 6, 2022.
Nakasaad sa RA 11768 ang pag-amyenda sa ilang seksyon ng Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015 na nagpapalakas ng mga kabataan at ang kanilang partisipasyon sa local governance.
Nakalagay rin dito ang karagdagang honorariums, benepisyo at pribilehiyo para sa mga SK official.
Nakapaloob din sa batas ang pagpapalawig ng eligibility para sa SK treasurer at secretary sa edad na 18-30 taong gulang.
Dapat ding magkaroon ng bookkeeping training para sa mga SK treasurer, exemption ng SK member at officers sa pagsali sa National Service Training Program at pagbibigay ng Civil Service eligibility.
Kabilang sa mga lumagda sa IRR ay sina Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman at Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Erwin Garcia.
Naroon din sa seremonya sina NYC chairperson Ronald Cardema, Executive Director Leah Villalon, at Commissioners-at-Large Laurence Diestro at Robert Fanlo.