IDINEKLARANG nasa ‘very low risk’ na sa COVID-19 ang Quezon City ayon sa OCTA Research Group
Itinuturing ngayon ng OCTA Research Group ang Quezon City na kabilang sa mga lungsod na nasa kategoryang “very low risk” sa COVID-19.
Sa pinakahuling ulat ng OCTA mula Disyembre 14 hanggang 20, ang Quezon City ay may average na 15 kaso kumpara sa nakaraang linggo na dalawampu.
Ang reproduction number ay nasa .36 habang ang average na daily attack rate sa bawat 100,000 populasyon ay .47.
Kasabay nito, bumaba rin ang positivity rate sa .83% mula sa 1.10% noong nakaraang linggo.
Ang resulta ay Ikinagalak ng Quezon City LGU lalot magpapasko na.
“This is a special gift to all of us since Christmas is just a few days away. Somehow with these numbers, we can confidently celebrate with family and friends,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.
Gayundin, 73 barangay lamang ang naiulat na nagkaroon ng mga bagong kaso noong Disyembre 18.
Dahi rito, pinaalalahanan ni Mayor Belmonte ang QCitizens na patuloy na sumunod sa basic health protocols sa pag dalo ng mga party o pagtitipon.
“We are aware that this is the time for family reunions and other celebrations, but we must not be complacent. We can still be exposed to the infection so we need to protect ourselves,” ani Belmonte.
Simula Disyembre 22, ang mga aktibong kaso ay nasa 175 (.10%) na lamang habang ang mga gumaling ay nasa 178,681 (99%), at ang mga namamatay ay nasa 1,625 (.90%).
Samantala, nagpapatuloy ang bakunahan sa lungsod kung saan nitong Disyembre 22, nasa 1,889,924 na ang ganap na nabakunahang mga indibidwal habang 193,227 menor de edad na 12 hanggang 17 na with o without commorbidity ang nakatanggap ng kanilang unang dosis ng bakuna para sa COVID-19.
Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang lahat na magpabakuna bago magdiwang, lalo na ngayong dumating na sa lungsod ang karagdagang supply ng mga bakunang AstraZeneca, Moderna, Sinovac, at Janssen.
Sinabi naman ng QC Task Force Vax to Normal na kailangan ng booster shots lalo na sa banta ng Omicron variant.
Ang QCitizens na nabakunahan ng kanilang pangalawang dosis ay maaaring magpaturok ng kanilang mga booster shot pagkatapos ng 3 buwan.
Kasunod ito ng anunsyo ng Department of Health na pinaikli na ang pagitan ng booster shot, gayunpaman para sa mga nakatanggap ng Janssen single-dose vaccine, maaari nilang matanggap ang kanilang booster pagkatapos lamang ng dalawang buwan.
Ang mga iskedyul ng bakuna para sa una at pangalawang dosis at mga booster shot ay maaaring tingnan at i-book sa qceservices.quezoncity.gov.ph.