NAGHATID ang OFW Partylist ng tulong sa mga Filipino worker na pasamantalang nanunuluyan sa Migrant Workers Office (MWO) Shelter o sa Surra, Kuwait.
Nagbigay ang OFW Partylist at si Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino ng mga personal hygiene kits sa 223 na mga OFW na nananatili ngayon sa loob ng bahay kalinga.
Matatandaan sa mga nakalipas na linggo, naging usap-usapan ang kalagayan ng higit 400 na OFWs sa loob ng shelter.
Sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay napauwi na ang higit 200 sa kanila mula sa shelter.
Nagpapasalamat naman ang OFW Partylist dahil naihatid ang pagtulong na ito sa tulong ng mga kababayan sa Kuwait maging sa mga opisyal ng MWO na nag-facilitate ng kanilang simpleng proyekto sa shelter.
Samantala kaugnay naman sa mga kababayan sa Kuwait, sinisigaw naman ng OFW Partylist ang hustisya sa pagkamatay ni Jullebee Ranara.
Ayon sa kongresista Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang pamahalaan upang bigyan ng agarang katarungan ang brutal na pagpaslang kay Ranara sa disyerto ng Kuwait.
Giit din ng opisyal, dapat maging matapang ang pamahalaan sa pagkamit ng hustisya sa pagkamatay ng OFW.
“Dati nang nagpatupad ng ‘ban’ sa pagpapadala ng OFW sa bansang Kuwait sa pag-aakalang maitatama na ang masamang kalagayan ng ating mga kababayan,” ani Rep. Marissa Del Mar Magsino.
“Pero matapos i-lift ang ban dito ay muli na namang may kababayan tayong nagbuwis ng buhay dahil sa pang-aabuso ng banyagang amo“ saad nito.
Bukod dito, aniya dapat din palawakin ang diskusyon at pagtibayin ang aksyon sa mga malalim, paulit-ulit, at sanga-sangang problema sa labor migration ng bansa.
“Si Jullebee Ranara ay hindi lamang numerong dumagdag sa istatistika ng mga inabusong OFWs, kung hindi isang minamahal na anak, kapatid, at ina. Bilang kinatawan ng mga OFW sa Kongreso, hindi natin palalagpasin ito at tututukan natin ang imbestigasyon hanggang sa mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Jullebee,” aniya.