PAIIMBESTIGAHAN na sa Kamara ang isyu ng paglubog ng isang oil tanker na sanhi ng matinding oil spill ngayon sa ilang bahagi ng Mindoro.
Sumpa ang dulo!
‘Yan ang sinabi ni Pola Oriental Mindoro Mayor Jeniffer Cruz sa panayam ng SMNI News matapos madamay sa oil spill ang kanilang lugar.
Ayon kay Cruz, kumpirmadong nasa Pola ang barkong Princess Empress, isang motor tanker na lumubog laman ang nasa 800,000 na litro ng industrialized fuel.
“Naku Sir, matagal po siguro kasi nakita ko nakakapit sa bato, nakakapit sa mangrove, tapos may namamatay na isda, may namamatay na ibon so parang matagal po to kasi kapit na kapit po talaga sa bato yung oil spill eh. Hindi nga namin alam kung anong uri ng industrial oil to. Parang alketran, parang aspalto, ganon po talaga sobrang dikit na dikit pag papunta sa inyo, dikit na dikit po talaga siya,” ani Pola Oriental Mindoro Mayor Jeniffer Cruz.
Dahil dito, apektado ang kabuhayan ng mga residente ng Pola na mangisda.
At lalo pang nakasama ang pagkibit-balikat ng may-ari ng barko sa kanilang responsibilidad.
“Sobra po talagang baho, andikit sa paa. So yung mga ano natin, dagat natin, yung buhangin puro oil na po ‘yun. Yung karagatan natin puro oil na,” saad pa ng alkalde.
“Una po Sir ang aming pananawagan, talaga ay makipag-ugnayan yung may-ari ng barko dahil sila ang unang-unang may problema sa aming bayan. Sila yung gumawa ng pagsira ng kalikasan namin kaya kailangan sila po yung pumunta at makipag-ugnayan kung ano man ang problemang ginawa nila,” dagdag ni Mayor Cruz.
Bilang aksiyon, magpapatawag ng imbestigasyon sa insidente ang House Committee on Environment and Natural Resources.
Sa House Resolution 829 na inihain ng committee chairman na si Cavite Rep. Elpidio Barzaga, nais malaman ng Kamara kung bakit lumubog ang oil tanker kahit 1 taon pa lamang itong nag-ooperate.
Pati na ang dulot nito sa marine environment ng Mindoro.
At pananagutan ng mga involve sa insidente.
“Additionally, the oil spill might affect 20,000 hectares of coral reef, 9,900 hectares of mangroves, and 6,000 hectares of sea grass and could possibly coat the marine habitats and animals…which can clog the gills of fish and marine invertebrates…damage the feathers of bird and fur of marine mammals, ” ayon sa House Resolution 829.
Ngayong Huwebes, maglulunsad ng Cash for Work Program ang DSWD sa mga lugar na apektado ng oil spill.
“So by Wednesday or Thursday we will launch a Cash-For-Work Program kung saan yung DENR gagamitin yung fisherfolks na taga cleanup operation pero DSWD naman ang magbabayad. Average of P400 or minimum wage ng lugar ang gagamitin natin na rate 15 days ang running time but it can be extended depending on the need and depending on the call of DENR,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, Department of Social Welfare and Development.
Nasa 7,000 hanggang 10,000 katao ang binudgetan dito ng DSWD.