Old school calendar, posibleng ibalik sa 2025—Malakanyang

Old school calendar, posibleng ibalik sa 2025—Malakanyang

UPANG maiwasan ang palaging pagkakansela ng face-to-face classes dahil sa matinding init, ay suportado ng Malakanyang na ibalik ang dating school calendar na Hunyo hanggang Marso.

Online classes na lang ang ginagawa ng mga paaralan sa maraming bahagi ng bansa para ‘di malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga mag-aaral at maging ng mga guro ngayong patindi nang patindi ang init ng panahon.

Kaugnay rito, nagsagawa ang Department of Education (DepEd) ng konsultasyon sa iba’t ibang mga stakeholder patungkol sa planong ibalik ang dating school calendar, kung saan kalagitnaan ng Hunyo at katapusan ng Marso ang pasukan, habang Abril at Mayo ang bakasyon sa mga paaralan na panahon naman ng matinding tag-init.

Matatandaang inihayag ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na nagsumite sila ng liham sa Office of the President na nagrerekomenda ng pagpapatupad ng mas maikling school year sa susunod na taon.

Ito’y upang mapabilis pa ang pagbabalik ng old school calendar sa bansa, o iyong June-March academic calendar.

At sa ambush interview nitong Lunes sa isang event sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, na nais din niyang ipatupad ang lumang school calendar sa susunod na taon.

Sa katunayan, ani Pangulong Marcos, hiningi na niya kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang konkretong plano para rito.

Ang DepEd, sa pamumuno ni VP Sara, ay nauna nang nagpahayag ng mga plano para sa unti-unting pagbalik sa pre-pandemic school year, na binago noong 2020 dahil sa ipinatupad na lockdown upang labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Noong Pebrero, iniutos ng DepEd ang “series of adjustments” kasama ang nakatakdang pagtatapos ng School Year (SY) 2023-2024 sa May 31.

Batay ito sa Department Order 3 series of 2024 kung saan nilalayon din nitong ipatupad ang school break mula Hunyo 1 hanggang

Hulyo 26, 2024.

Nakasaad din sa nasabing kautusan ang pagpapatupad ng kasunod ng School Year na nakatakda mula Hulyo 29, 2024 hanggang Mayo 16, 2025.

Naniniwala naman ang ilang magulang na dapat nang ibalik ang old school calendar dahil sa epekto ng matinding init sa mga kanilang mga anak na estudyante.

Una na ring nagpahayag ng suporta ang ilang senador sa panukalang ibalik ang lumang academic calendar.

Samantala, inihayag naman ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang kaniyang suporta sa pakiusap ng mga mag-aaral, magulang, guro at iba pang school personnel para ibalik sa old calendar na Hunyo hanggang Marso ang Academic Calendar sa darating na pagbubukas ng eskwela.

“Kaya gusto natin na maibalik sana ang school year ng mga mag-aaral sa dating schedule para hindi umaabot sa maiinit na buwan katulad ng Abril at Mayo ang pasok ng mga bata,” ayon kay Sen. Ramon Bong Revilla, Jr.

Ang dahilan, ay bunsod pa rin ng sobrang init na panahon na siya namang nagdudulot ng panganib sa kalusugan.

Naghayag din ng suporta si Sen. Bong Go sa hakbang ng DepEd.

Bilang chairman ng Senate Committee on Health sinabi ni Go na dapat tiyakin na maayos ang kalusugan at kalagayan ng mga mag-aaral.

“Ako po ay masaya, gradually ay ibabalik na po ng DepEd ang school calendar na nakagawian na natin.”

“Dahil dapat ay naayon po talaga ito sa panahon. Summer, Abril, Mayo ‘yan ‘yung panahon na kailangan natin magpahinga,” pahayag naman ni Sen. Bong Go, Chair, Senate Committee on Health.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble