INATASAN ng Korte Suprema ang Office of the Ombudsman at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magpaliwanag sa loob ng 10 araw para sagutin ang petisyon ni suspended Cebu City Mayor Michael Rama.
Ito ay kaugnay sa ipinataw na preventive suspension ng Ombudsman at DILG kay Rama.
Nag-ugat ang suspension matapos ilipat ng alkalde ang ilang empleyado ng city hall kahit umiiral na noon ang election ban.
Sa kaniyang petisyon ay hiniling ni Rama sa Supreme Court na ideklarang unconstitutional o ilegal ang ipinataw na suspensiyon sa kaniya ng Ombudsman at DILG dahil hindi aniya siya nabigyan ng tamang proseso noong inisyu ang naturang preventive suspension.
Samantala, hindi naman pinagbigyan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Mayor Rama na maglabas ng Temporary Restraining Order para maharang ang suspensiyon.