SANA ma-adopt ang opsiyon na magsagawa ng open parcel check.
Ito ang mungkahi ni PBA Party-list Rep. Migs Nograles sa panayam ng SMNI News hinggil sa maraming mali-mali na mga produktong dumarating sa online buyers.
Kasunod ang naturang pahayag ni Nograles sa restrictive policies ng courier companies kung saan pinagbabawalan ang kanilang mga recipient sa pagbubukas ng kanilang package para sa verification.
Naiintindihan naman aniya na kinakailangan ang ilang panuntunan para maprotektahan ang parcel sa biyahe subalit may karapatan din ang consumers na masuri na tama ang dumating sa kanila na produkto.
Kaugnay nito ay hinihikayat nito ang Department of Trade and Industry (DTI) na obligahin ang courier companies gaya ng LBC, J&T, Lalamove, Grab at iba pang online selling platforms na hayaang buksan ng buyer ang laman ng kanilang parcel pagkadating nito.