PINATITIYAK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. sa Philippine National Police (PNP) ang seguridad ng publiko kaugnay sa mga naitalang insidente ng pananambang sa ilang mga local officials nitong mga nakaraang araw.
Kaugnay rito, agad na inatasan ni Abalos ang PNP na mas paigtingin ang kampanya laban sa private armed groups at iligal na armas o loose firearms sa ating bansa, lalo na sa Mindanao.
Ayon pa sa kalihim, mahalaga rin na paigtingin ang police visibility sa mga komunidad para magdalawang-isip ang mga masasamang-loob at mapanatag din ang kalooban ng mamamayan.
Sa huli, hinihiling ng DILG ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng publiko sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa at maging katuwang ang mga ito sa paglaban sa kriminalidad at pagsugpo sa mga grupo o indibidwal na sumisira at nagtatanim ng takot sa mga mamamayan.
Nitong mga nakalipas na araw ay inambush si Lanao del Sur Gov. Mamintal “Bombit” Alonto-Adiong, Jr., Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan at ang pinakahuli ay si Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur.
Nakaligtas si Gov. Adiong at Mayor Montawal samantalang nasawi naman si Vice Mayor Alameda.