IMINUNGKAHI ni Sen. Grace Poe ang paglikha ng isang opisina ng gobyerno na tututok sa proteksiyon ng mga hayop laban sa kalupitan o pang-aabuso.
Sa Senate Bill No. 2458 na isinumite ni Poe sa Senado ay nais nitong amyendahan ang Animal Welfare Act upang palakasin ang batas na nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop.
Kabilang na rito ang mga patakaran, mga tuntunin, regulasyon, at parusa sa mga lalabag sa nasabing batas.
“Some humans consider their pet animals like a member of their own family. However, not all animals are given the same care and attention, they are sometimes left abandoned, or worse, experience cruelty,” saad ni Sen. Grace Poe.
Ani Poe, madalas na bahagi ng pamilya ang turing sa mga alagang hayop. Pero hindi lahat ng mga hayop ay nabibigyan ng tamang pangangalaga o sapat na atensiyon.
Sa panukala ni Poe ay nais nitong magkaroon ng Animal Welfare Bureau (AWB) sa bawat lungsod, munisipyo, probinsiya o regional offices.
Ang AWB ang bubuo ng polisya at guidelines na magpapatupad sa nasabing batas.
Magiging bahagi rin sa mandato ng AWB ang pagtakda ng standard para sa pangangalaga depende sa uri at pangangailangan ng mga hayop.
Kasama na rito ang tama at safe na pagbiyahe o transportasyon sa mga hayop, emergency response, pagsunod ng mga LGU sa animal welfare programs at iba pa.
Sa parehong panukala ay tinatahasan naman nito ang Bureau of Animal Industry na pangasiwaan ang pagpapatupad ng batas.
Ang mapapatunayan na nang-abuso o nagmaltrato ng hayop ay mahaharap sa parusang pagkakulong ng isang taon at anim na buwan hanggang tatlong taon, at multang hindi bababa sa P30,000 ngunit hindi hihigit sa P100,000.
Parurusahan din ang mga nag-abandona, mga nagpapatakbo ng animal facility, siyentipikong pananaliksik, at maging ang paggamit ng mga hayop sa mga animal show na walang permit.
Bahagi rin ng batas na pagmultahin ang mga nagbebenta ng karne ng aso.