Organic farming at aquaculture, namamayagpag na industriya sa Bohol

Organic farming at aquaculture, namamayagpag na industriya sa Bohol

IKINATUWA ng mga negosyante sa Bohol ang unti-unting pagdating ng mga turista sa kanilang probinsiya.

Sa ngayon, bukod sa outdoor activities na maaring gawin sa lugar, kapansin-pansin ang pag-usbong ng mga organic farming at aquaculture industry sa probinsiya.

Si Raymond Roldan may-ari ng Vita Isola sa Bohol, aminadong hindi naging madali sa kaniya at ng buong pamilya upang bumangon mula sa masalimuot na krisis dulot ng COVID-19.

Sinabayan pa ito ng pagtama ng Bagyong Odette sa Central Visayas na nagpadapa ng halos lahat ng mga kabuhayan sa kanilang probinsiya.

Bilang isang negosyante, masakit aniya ito para sa kanila, pero dahil sa tiwala sa Diyos, kinaya naman nila ito.

Kasunod nito, marami ang bumukas na oportunidad sa probinsiya, sa kabila ng malalakas na kapagsubukan sa kanila, pinili ng mga residente dito ang muling bumangon at huwag magpaapekto sa sirkumstansiya.

Sa katunayan, isa ngayon ang Vita Isola sa mga dinarayo ng mga turista dahil sa napakagandang lokasyon nito na tila pinagdugtong na bundok at karagatan.

Kung kaya naman, sa lugar, hindi lang mararanasan ang masasarap na pagkain na galing mismo sa kanilang farm kundi maaari mo ring gawin ang kanilang fishing to eating activity sa lugar.

Ayon sa Department of Tourism Central Visayas kahit papaano ay naging malaking biyaya sa kanila ang kasalukuyang krisis dahil dito nagkaroon ng interes ang maraming residente at maging mga turista sa pagtatanim, na nagbunga naman ng isang lumalagong ekonomiya at hanapbuhay sa lugar.

Kaya naman sa lahat ng turista, hindi mo dapat na palagpasin ang pagbisita sa Bohol hindi lang dahil sa makukulay na aktibidad kundi ang puso para sa mga kababayan nating nagsisikap na ibangon ang kanilang kabuhayan mula sa masaklap na hagupit ng krisis sa kanila.

Follow SMNI NEWS in Twitter