PATULOY na nararanasan ng ilang bahagi ng bansa ang hagupit ng Bagyong Aghon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible ang pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga lugar na nakaranas ng malakas na buhos ng ulan sa mga nakalipas araw.
Kaya naman, patuloy ang isinasagawang koordinasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naapektuhang lugar ng Typhoon Aghon para sa tulong na ipagkakaloob sa mga ito.
Sa isang public briefing nitong Lunes, sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na nakapagpahatid na sila ng inisyal na humanitarian assistance sa mga probinsiya ng Marinduque, Oriental Mindoro, Albay, Camarines Sur, at Sorsogon.
Aniya, nasa kabuuang mahigit P1.3-M na halaga ng family food packs at non-food items ang inisyal na naipahatid ng DSWD sa mga nabanggit na lugar.
“Dahil nga nasa response stage tayo, ang immediate items na pinapadala talaga natin ay iyong pagkain; ito iyong ating family food pack. Gayundin din iyong mga nasa evacuation centers, of course, iyon ating pong naipahahatid naman na tulong diyan ay iyong mga non-food items particularly iyong mga hygiene kits and sleeping kits,” saad ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.
Nakipagpulong na rin ang DSWD sa iba pang ahensiya para sa tulong na kailangang ihanda gaya ng pagkain, gamot, gayundin ang pag-transport ng mga relief item.
“Ang DSWD being the vice chair of the response cluster of NDRRMC pillar on response ay nakikipagpulong nga po ‘no sa mga member agencies and talaga …noong Sabado ay in-identify natin ano po ba iyong kinakailangan nating ihanda,” dagdag ni Dumlao.
“And of course, doon naman po sa mga ibang agencies na katuwang natin in transporting or ferrying this relief items ay atin din naman pong nakasangguni,” aniya pa.
Kasabay niyan ay tiniyak ni Department of Health (DOH) Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na nakahanda na ang mga ospital sa mga lugar na apektado ng bagyo.
“Iyon pong ating tulong sa Bagyong Aghon. Ang atin pong mga hospital doon sa mga bahagi na apektado ay code white na simula po noong Mayo 24 pa lang. Huwag pong maalarma; ibig sabihin po, handang-handa ang ating sistema,” wika ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.
DOE, nanawagan sa publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente sa gitna ng Bagyong Aghon
Sa bahagi naman ng Department of Energy (DOE), ay nanawagan ito ng kooperasyon ng publiko para mabawasan ang paggamit ng kuryente.
Ito’y kasunod ng malaking pagbaba ng available na power supply sa Luzon sa gitna ng pagtama ng Bagyong Aghon.
Sa isang virtual press conference, hinimok ni DOE Secretary Raphael Lotilla ang lahat na magtipid ng enerhiya para mabawasan ang pag-dispatch ng mas mahal na oil-based power plants.
“We would like to ask everyone’s cooperation to minimize the use of electricity in Luzon grid. The typhoon caused substantial decrease in the available power supply in the grid at the time when the hydropower plants have not recovered from low water supply,” ayon kay Sec. Raphael Lotilla, DOE.
Hinikayat din ng Energy Secretary ang mga commercial industrial consumer na lumahok sa Interruptible Load Program (ILP).
Paliwanag ng kalihim, ang oil-based powerplants ay ginamit bilang pansamantalang pinagkukunan ng kuryente sa Luzon grid sa kawalan ng hydro powerplants.
Sa ilalim ng ILP, ang mga malalaking kompanyang gumagamit ng maraming kuryente ay pansamantalang hindi kukuha ng kuryente mula sa grid.
Bagkus, gagamitin ng mga ito ang sariling generator o magbabawas ng operasyon sakaling kulang ang power supply.
Samantala, iniulat ng energy officials DOE na siyam na planta ng kuryente ang naapektuhan ng Bagyong Aghon, na nagpasara sa kanilang kapasidad na mag-supply ng kuryente dahil sa sama ng panahon.
May kabuuang 23 power plant ang hindi nag-generate ng kuryente, kung saan 12 na ang nagsara bago humagupit ang bagyo dahil derated o offline ang mga ito.
Ibinahagi naman ni Energy Undersecretary Rowena Cristina Guevara na aasahan na patuloy ang Red Alert Status sa Luzon sa susunod na linggo kung mananatiling hindi magagamit ang ilang power plant para matugunan ang tumataas na demand para sa elektrisidad.
“If the situation does not improve, if the plants that went offline because of the typhoon do not come back by next week probably we’ll have a red alert also next week,” wika ni Usec. Rowena Cristina Guevara, DOE.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Aghon sa gabi ng Miyerkules.