TINIYAK ni House Committee on Senior Citizens Chairman Ompong Ordanes na mabibigyan ng pondo ang social pension ng mga senior sa susunod na taon.
Ito’y matapos tiyakin sa kanya ng liderato ng Senado at Kamara na may budget sa 2023 ang P1,000 social pension ng mga nakatatanda.
Saad ni Ordanes, may commitment mula kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara at House Appropriations Chairman Zaldy Co na may full funding ang programa.
Aminado naman si Ordanes na pahirapan ang pagsusulong nito na mapondohan ang dagdag pension sa mga senior na magsisilbing regalo ng Kongreso sa elderly population ng bansa.
‘’The funding provision will be Congress’ year end holiday gift to indigent seniors. It is a matter of survival to most impoverished seniors,’’ ani Ordanes.
Dati, P500 lang ang buwanang pension ng mga senior subalit naging P1,000 ito matapos maamyendahan ang Expanded Senior Citizens Act ngayong taon.
Batay sa 2020 data ng Philippine Statistics Authority, mahigit 12-milyon na mga Pilipino ang edad 60-anyos pataas.