P2-B pondo para sa pagpapalago ng sugar industry sa 2024, itinutulak ng SRA

P2-B pondo para sa pagpapalago ng sugar industry sa 2024, itinutulak ng SRA

ITINUTULAK ngayon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maibalik ang dating P2-B na pondo para sa 2024.

Layunin nito na mas mapalago pa ang industriya ng asukal at mapalawak pa ang pagbibigay tulong sa mga block farm sa ilalim ng Sugar Industry Development Act (SIDA) program sa susunod na taon.

Ang mag-amang si Daniel at Joeciel sa La Castellana City, Negros Occidental ay kabilang sa agrarian reform beneficiaries (ARB) na nabiyayaan at napagkalooban ng lupang sakahan ng pamahalaan ilang taon nang nakalipas.

Ang ipinagkaloob sa kanila na isang ektaryang lupain ang pinagtaniman nila ng tubo o sugarcane.

Pero, hindi naging madali para sa kanila ang buhay sa pagsasaka lalo’t walang sapat na pera upang makabili ng mga kagamitan na magpapabilis sa pagtatanim ng tubo.

‘‘Pag inidividual kasi mahihirapan kang makakuha ng panggastos mo sa farm, makakuha ka ng loan pero malaki ‘yung interest, merong iba na 10% per month. Mahirap kasi ikaw ang may-ari ng lupa kailangan mo ‘yung mga tao para sa pag-cultivate ng tubo tapos mahihirapan ka maghanap ng mga tao para magtrabaho kasi ‘yung ibang workers nagde-demand na malaki ‘yung gusto nilang isahod kaya mahirap, mahirapan ka makakuha ng panggastos mo,’’ ayon kay Joeciel Palacios, magsasaka ng tubo.

2016 nang makasama ang kanilang pamilya sa block farm program sa ilalim ng Sugar Industry Development Act (SIDA) ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng Department of Agriculture (DA).

Ang block farm program ay isang kooperatiba ng mga maliliit na magtutubo na may tig-isang ektarya ng lupang sakahan.

Dito igru-grupo ang magkakatabing mga sakahan para makabuo ng higit 30 ektaryang block farm.

Direktang matatanggap ng mga block farm ang tulong na ipagkakaloob ng pamahalaan.

Kabilang ang traktora sa ipinagkakaloob ng SRA para sa mga magtutubo na nasa kooperatiba o block farm.

Ginagamit ang traktora sa paghahanda at pagpapaganda ng lupa na makatutulong mapataas at mapalago ang produksiyon ng tubo.

‘‘Kung indibidwal kami ngayon puro kami utang wala na ‘yung lupa sa’min, nasa iba na.’’

‘’’Yung sa SRA nakatanggap kami. Noon wala kaming tractor tapos nagbigay rin sila ng start-up capital para panggastos sa farm tsaka ‘yung inputs binigay rin nila sa’min ‘yung sa irrigation tapos sa non-government agencies nakatanggap kami ng projects isa rin ‘yung truck naming, isa kasi kaming free trade certified na ‘yung muscovado ine-export tapos ‘yung mga konsumedores namin dun sa ibang bansa nagbabalik sila ng free trade premium na 80 dollar per kilo, inaano namin sa projects isa na ‘yung rice mill namin nakatulong din ‘yun galing sa free trade premium namin at tsaka ‘yung may tractor kami at 10-wheeler truck,’’ dagdag pa ni Joeciel Palacios.

Upang mapalago pa ang sugar industry, itinutulak ngayon ng SRA na maibalik ang kabuuang P2-B na mandated budget para sa SIDA programs sa susunod na taon.

Sa ilalim ng SIDA (Republic Act 10659), mandato ang paglalaan ng P2-B kada taon para sa mga programa na naglalayong isulong ang competitiveness ng sugarcane industry.

Ngunit, sa ilalim ng panukalang 2024 national budget, ang aprubadong alokasyon lamang para sa SIDA ay nasa P1-B.

‘‘We’re pushing for ₱2-B mainly because.. everything will double ‘yung budget natin for block farms will double, ‘yung budget natin for social credits will double and malaking tulong po ‘yon sa land reform beneficiaries natin ‘yung concentration natin in terms of improvement of production and eventually self-sustaining production dun tayo nakatutok sa land reform beneficiaries and small farmers because ito ‘yung mga tao na still have a big room for improvement production-wise,’’ ayon kay Pablo Azcona Administrator, SRA.

Sa oras maibalik ang mandated budget para sa SIDA programs, inaasahang mas marami pang block farm ang matutulungan ng ahensiya lalo’t kailangang paghandaan ang epekto ng El Niño phenomenon.

‘‘Kung iisipin natin ‘yung total land area natin ngayon sa sugarcane it’s about 380+ thousand hectares 85% or 88% of that is 1-2 hectares na farms so ‘pag kwinenta mo ‘yan the way we’re going sa ngayon at ₱2 billion siguro ‘yung budget natin, will be about maybe 60 block farms or 70 a year siguro it will take us almost a hundred years ‘pag ganun ang takbo ng budget natin so dapat bilisan po natin.’’

‘‘If for example meron tayong El Niño, may perceived drop po tayo and then from walang block farm biglang nagka-10,000 hectares tayo…‘yung improvement nu’n is about 8,500 metric tons so malaking bagay rin po, malaking tulong sa ating production po,’’ dagdag pa ni Azcona.

Batay sa pinakabagong datos ng SRA, nasa higit 260 block farms na ang nabuo na pinakikinabangan ng higit 7,300 benepisyaryo.

Umaasa ang SRA na mas mabibigyang prayoridad ng pamahalaan ang kanilang isinusulong na halaga ng pondo upang mas marami pang magsasakang tubo sa bansa ang matulungan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter