INAPRUBAHAN na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa pag-develop ng Marawi City General Hospital (MCGH) sa halagang P44,380,800.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, inaprubahan nito ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) sa Department of Health (DOH) – Northern Mindanao Center for Health Development (NMCHD), Region X noong Disyembre 6, 2022.
Kaugnay dito, sinabi ng Budget chief na tiniyak ng pamahalaan na hindi nito pababayaan ang Marawi.
Bilang isang Maranao ani Pangandaman, malapit sa kanyang puso ang rehabilitation projects at recovery efforts para sa Marawi City.
Ibinahagi rin ng DBM secretary na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na unahin ang kapakanan at kalusugan ng mamamayang Pilipino.
Kaya naman, nangako ang DBM na ganap na suportahan ang mga proyekto at programa na makatutulong sa muling pagtatayo ng Marawi.
Sa pagsakatuparan nito, sinigurado ng DBM na may sapat na pondo para suportahan ang pangangalagang pangkalusugan ng mga tao.
Ang pagpapalabas ng pondo para sa MCGH ay “chargeable against the Fiscal Year 2022 National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) – Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program” sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA 2022).
Sasaklawin ng pondo ang kagamitan at ang pagkakaloob ng ambulansya para sa MCGH.
Ang mga proyektong ito ay kasama sa priority projects ng Task Force Bangon Marawi para sa FY 2022.
Ang implementasyon ng mga proyekto ay susuporta sa mga operasyon ng ospital at pagpapabuti ng kalidad ng health care system sa lugar.