P449-B unprogrammed funds sa 2024 GAA, hindi labag sa Konstitusyon—DBM

P449-B unprogrammed funds sa 2024 GAA, hindi labag sa Konstitusyon—DBM

NIRERESPETO ng Department of Budget (DBM) ang inihaing petisyon ng grupo ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa legalidad ng sobrang P450-B unprogrammed fund sa 2024 national budget.

Ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman, maaaring bunga ng pagkakaiba ng interpretasyon ang dahilan ng petisyon laban sa 2024 General Appropriations Act (GAA).

Pero para sa kalihim, hindi labag sa Konstitusyon ang dagdag na unprogrammed funds lalo pa’t standby funds lang ito sakaling mayroong dapat na paglaanan ng pondo ang gobyerno.

Hindi rin aniya awtomatiko ang pagpapalabas ng pera para sa naturang alokasyon dahil magdedepende ito kung may sobrang kita ang gobyerno.

Sinabi pa nito na mas malaki pa nga ang unprogrammed funds noong nakaraang taon na nasa P850-B.

Dahil sa dagdag na halos P450-B, nasa P731.4-B ang kabuuang unprogrammed funds na nakapaloob sa pambansang pondo para sa 2024.

Ayon kay Pangandaman, ang prayoridad ng alokasyon ng unprogrammed ay nakalagay naman sa probisyon ng batas.

COMELEC, magkakaroon ng mas malaking budget sa 2025 para sa mga gagawing eleksiyon—DBM

Samantala, mula sa P5.768-B na national budget ngayong taon ay maaaring tumaas na ito sa P6.2-T pagdating sa taong 2025.

Tiniyak ng DBM na walang pagbabago sa babalangkasin na 2025 national budget puwera na lang ang mga kailangang iprayoridad para sa mga mangyayaring eleksiyon.

Mas lalaki ang pondo ng Commission on Elections (COMELEC) pagdating ng 2025 ayon sa DBM dahil sa mangyayaring midterm elections at sa iba pang halalan na gagawin sa naturang taon.

Samantala, aminado naman ang DBM, na sakaling magkakaroon ng plebisito dahil sa people’s initiative (PI) para sa Charter change (Cha-cha) ay magre-release sila ng pera para dito.

Matatandaan na nasa halos P13-B ang naibalik na pondo sa COMELEC na may line item para sa pagdaraos ng eleksiyon, referendum, at plebisito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble