NAKUMPISKA ng pulisya sa tatlong street level individuals (SLIs) ang P85-K halaga ng hinihinalang shabu na sa ikinasang buy-bust operation sa Calamba City, Laguna.
Ayon kay Police Colonel Randy Glenn Silvio, acting Provincial Director ng Laguna Police, unang naaresto sa operasyon sa Brgy. Parian sina alyas Michael at alyas John na nagbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Habang ang ikalawang operasyon ay nangyari sa Brgy. Real, kung saan nasakote si alyas Jericho.
Nakumpiska sa mga suspek ang 12.60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit 85,000 pesos.
Nasa kustodiya na ng Calamba City Police Station ang mga suspek at sasampahan ng paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Tiniyak ng pulisya na pinapaigting nila ang operasyon kontra ilegal na droga at ang mga ibinibigay na impormasyon ng publiko ay malaking tulong para maaresto ang mga suspek.