NILINAW ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na iisa lang ang ipinatutupad na protocol ng ahensya sa mga tanggapan, opisina, at maging sa mga paaralan pagdating sa COVID-19.
Una rito ay ang pagsasagawa ng contact tracing at isolation ng mga closed contact kung may isa o dalawa na tinamaan ng sakit sa paaralan.
Sa isinagawang press briefing ngayong araw, binigyang-diin ni Vergeire na hindi kailangang ipasara ang buong paaralan kapag may tinamaan ng kaso ng COVID-19.
“So kailangan bang isara ang isang classroom? Hindi po kailangan isara ang buong eskwelahan kapag nagkaroon tayo ng isang caso ng COVID-19. Ang kailangan lang bigyan ng advice ang ating mga guro at non teaching personnel as well as the parents of this students kung paano mas makakaiwas sa infection,” pahayag ni Vergeire.
Pero ayon kay Vergeire, kung may nagpositibo sa isang silid-aralan ay maaari ito lamang ang pansamantalang isara.
“So kung magkakaroon po tayo ng isa o dalawang isasara po ang classroom na yun pong mga batang kasama nila sa loob especially unvaccinated we just need to quarantine in their homes e momonitor po sila araw-araw para makita natin kung mag fufurther transmission dito sa cluster na ito but it’s the same protocol as we do with the other settings meron tayo,” ayon sa opisyal.
Patuloy naman ang paanyaya ng DOH sa mga kabataan na magpabakuna na para maproteksyunan sila sa COVID-19 kasabay ng pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Sa ngayon ayon kay Vergeire ay nasa 4.9M pa lamang ang bakunado sa mga bata na may edad na 5-11.
Pero sa taya ng DOH ay aabot ng 26M ang maaring magbabalik-eskwela sa Agosto 22.