IGINIIT ng Department of Health (DOH) na walang epekto sa bansa ang pag-alis ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 bilang isang global health emergency pagdating sa bakunahan sa bansa.
At sa katunayan, ayon kay DOH OIC Usec. Maria Rosario Vergerie, darating na sa bansa sa susunod na linggo ang nasa halos 400,000 doses ng bivalent vaccine mula sa ibang bansa.
Ang bivalent vaccines ay sinasabing epektibong panlaban sa 2 straints ng COVID-19 virus.
Ngayong linggo ayon sa ahensiya ay abala na ang mga implementing units sa pagsasagawa ng orientation para sa paglalapat ng naturang bakuna sa mga priority groups.
Ito ay ilalapat muna sa mga health care worker at senior citizen.
Matatandaan na noong August 2022 nang magsimula ang pakikipagnegosasyon ng Pilipinas sa ibang bansa para makakuha ng bivalent vaccine.
Ito ay unang inasahang darating bago magtapos ang taong 2022 pero naantala dahil sa pag-lift ng state of calamity.
Gaya iginiit ng DOH na hindi inaantala o sinadyang inaantala ng ahensiya ang pagdating ng bivalent vaccine.
Samantala, maliban dito ay ipagpapatuloy na ng DOH at COVAX facility ang negosasyon para sa karagdagang 2-M dosis ng donated vaccine.
Samantala, nakapagtala ng 12,414 na bagong kaso ang DOH sa bansa mula May 8 – 14.
Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 1,773.
Ayon sa DOH, mas mataas ng 31 percent ang mga kaso ngayon kung ikukumpara sa mga kaso noong Mayo 1 – 7.
Sa mga bagong kaso, 53 sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, ang ibang LGU ibinalik na ang mandatory masking sa kanilang ilang gusali.
Pero ang DOH, muling iginiit na hindi na nila irerekomenda sa IATF o kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagbabalik ng mandatory face mask policy.
Ayon kay Vergeire, alam na ng lahat kung kelan dapat mag-ingat at magsuot ng proteksiyon para malabanan ang COVID-19 at hindi na aniya kailangan na muling maghigpit ng polisiya pagdating dito.
Saad pa ni Vergeire na nasa mga LGU na rin kung paano gagawa ng hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa kanilang mga lugar.
Matatandaan na ang mandatory masking ay ipinatupad noong kasagsagan ng pandemya at unti-unting tinanggal ito matapos ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 noong taong 2022.
Ayon sa DOH, hindi pa nakakaalarma at dapat ikatakot ang pagtaas ng kaso dahil kakaunti lamang ang nagkakaroon ng severe na kalagayan at dahil dito manageable pa ang mga ospital sa bansa.