PERSONAL na nagpaabot ng kanyang papuri si AFP chief of staff LtGen. Bartolome Bacarro sa mga tauhan ng 5ID ng Philippine Army.
Kasunod ito ng tuluy-tuloy na operasyon ng militar laban sa mga natitira pang miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTGs) sa Kalakhang Luzon.
Ayon kay LtGen. Bacarro, tagumpay ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas matapos nitong mabilis na nalinis ang maraming kuta, pagkakarekober ng mga armas ng kalaban at unti-unting pagkawala ng suporta at pondo sa operasyon ng mga prenteng kilusan ng CTGs.
Giit ni Bacarro, malaki ang papel na ginagampanan ng mga sundalo para makamit ang tunay na kapayapaan sa bansa.
Kasabay ng kanyang pagbisita sa mga tauhan ng 5th ID ang dalangin na maging matagumpay pa sila sa adhikain na maubos na ang mga natitira pang miyembro ng komunistang kilusan sa bansa.