NAKAHANDA na ang National Irrigation Administration (NIA) sa pagtugon sa inaasahang epekto ng strong El Niño sa mga sakahan sa susunod pa na mga buwan.
Sinabi ni NIA administrator Engr. Eddie Guillen na maayos namang napapatubigan ng Magat Dam ang mga palayan partikular na sa Quirino at Isabela na pangunahing mga producer ng palay sa Region 2.
Ito’y dahil sapat ang suplay ng tubig sa mga reservoir type dams.
Ngunit, ikinababahala ng NIA ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.
Batay sa datos ng Hydro-Meteorology Division ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay bumaba pa sa 196.75 meters ang lebel ng tubig as of 6am ng Martes.
“Dito sa Pantabangan Dam, talagang critical talaga ang level nito hindi masyadong bumagsak ang ulan doon,” ayon kay Engr. Eddie Guillen, Administrator, NIA.
Aminado rin ang NIA na hirap sila sa pagsasagawa ng cloud seeding dahil naaapektuhan din ang mga pananim ng mga magsasaka malapit sa Pantabangan Dam.
“Ang problema kasi natin, minsan ay may nagrereklamo din kasi ‘yung mga nagtanim ng sibuyas kasi minsan nagkakamali ‘yung pagbagsak ng ulan ‘yun naman ang napipinsala. So, such time ‘yung malapit doon sa reservoir na natin ay huwag na natin pagtanimin ng sibuyas dapat ano na lang sila mais na lang para kahit umulan ay hindi ma-damage ‘yung kanilang crop,” dagdag ni Guillen.
Mas makabubuti rin aniya para sa mga magsasaka na magtanim na lamang ng mga high value crop o mga pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig.
Pero, gayunpaman nakalatag na rin ang mga interbensiyon na gagawin ng NIA sa epekto ng El Niño at lalo na ang pagpasok ng panahon ng tag-init.
“Yung pang medium term naman po natin ay ito namang pong paglalagay ng solar pumps, mga diversion dams. So, madagdagan po ang budget ng NIA, so ito po ay sinamantala natin… And ‘yung pang long term ay ‘yung big big projects natin ‘yung mga reservoir dams,” aniya.