Pagbasura sa Degamo case, ihahain na sa hukuman

Pagbasura sa Degamo case, ihahain na sa hukuman

HIHILINGIN sa hukuman ng mga akusado sa Degamo case na ipawalang-saysay o ibasura na ang kasong isinampa sa kanila ng Department of Justice (DOJ).

Ipinaliwanag ni Atty. Danny Villanueva, legal counsel ng ilan sa mga respondents na maghahain sila ng motion to quash sa Manila Regional Trial Court Branch 51 para ma-dismiss ang kinakaharap na asunto ng kaniyang mga kliyente.

Layunin aniya nito na mapigilan ang nakatakdang arraignment ng akusadong isinangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa nadamay na mga sibilyan.

Kaugnay nito ay babasahan ng sakdal mamayang ala una y medya sa Manila RTC, Branch 51 sina  Marvin Miranda; Joven Javier; Jhudiel Rivero; Rommel Pattaguan; Rogelio Antipolo Jr; Dhaniel Lora; Benjie Rodriguez; Winrich Isturis; Eulogio Gonyon Jr., at John Louie Gonyon at isasagawa rin ang pre-trial conference sa mga kasong kinakaharap nila.

Inaakusahan ng DOJ panel of prosecutors ang mga suspek na pumatay kay Gov. Degamo at 9 na iba pa at pagkasugat ng 17 sibilyan noong March 4.

Itinuro naman ng mga akusado si Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo Teves, Jr. bilang mastermind sa krimen pero binaligtad at binawi rin ng ilan sa mga akusado ang kanilang testimonya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter