Pagbibigay ng booster shot sa A4 at A5 Priority groups, umarangkada na sa San Juan City

NAGSIMULA na ngayong araw ang pagbibigay ng booster shot sa mga nasa A4 at A5 priority groups o mga essential worker at indigent population sa lungsod ng San Juan City.

Binuksan na ng San Juan LGU ang kanilang vaccination site para sa lahat ng general population edad 18 – pataas na tatanggap ng booster shot.

Hindi pa kampante ang government worker na si Luzviminda Villadelrey kahit siya ay fully vaccinated na laban sa COVID.

Nandiyan pa rin daw ang takot na baka siya ay mahawaan ng virus dahil sa nature ng kaniyang trabaho.

Para sa kaniya, booster shot ang sagot para mapawi ang kanilang pangamba.

Si Luzviminda ay isa sa mga binakunahan sa vaccination center sa San Juan City sa pagsisimula ng pagbibigay ng booster shot sa mga essential workers o A4 category at sa mga pinaka mahihirap o A5 Catergory.

Bakunang Pfizer ang kanilang tinanggap.

Ayon kay Mayor Francis Zamora na kasama sa makakatanggap ng booster shot ang mga nakakumpleto na ng bakuna, anim na buwan na ang nakakalipas.

Paliwanag ni Zamora na malaking tulong ang pagtuturok ng booster shot para sa tuloy-tuloy na pagbaba ng active cases sa lungsod.

Tiniyak naman ng alkalde na mayroong special lanes para sa mga may comorbidity, mga senior citizen at mga healthcare worker.

Isa sa mga senior na tumanggap ng Pfizer vaccine bilang booster shot ngayong araw ay ang batikang aktres na si Susan Roces.

Kinakailangan pa ring magparegister online at bawal ang walk-in.

Pwedeng mamili ng bakuna ayon kay Zamora mula Pfizer, Moderna, Aztrazeneca at Sinovac.

Samantala, umabot na sa 90,259,621 na COVID-19 ang naituok na sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, 68.02% o katumbas ng 52,473,282 ang nakatanggap ng first dose habang nasa 48.42% o 37,353,438 ang fully vaccinated na laban sa virus.

Nauna nang sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 54 million indibidwal bago matapos ang 2022; 77 million sa March 2022 at 90 million sa June 2022.

SMNI NEWS