MULING ipinamalas ni Bongbong Marcos Jr. sa buong mundo ang malalim nitong koneksiyon sa bansang Amerika matapos ang ginawang joint courtesy call ni US Secretary of State Antony Blinken at US Secretary of Defense Lloyd Austin sa Malacañang araw ng Martes.
Ang dalawang Amerikano ay bumisita dito sa Pilipinas para dumalo sa ika-apat na Philippines-United States 2+2 Ministerial Dialogue.
Ang naturang 2+2 Ministerial Dialogue ay isang policy-level dialogue na pinangunahan ng mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense, at US Department of State, at Department of Defense ng Amerika.
Gaya ng inaasahan – tuwang-tuwa si BBM dahil sa tulong umano ng kaalyadong bansa ay mas mapapalakas pa umano nito ang panlabas na depensa ng Pilipinas laban sa China.
Ang tanong – natuwa naman kaya ang ating mga kababayan?
Araw ng Martes kasabay ng pagbisita nina Blinken at Austin dito sa Pilipinas ay nagsagawa ng kilos-protesta sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang ilan sa ating mga kababayan para tutulan ang nasabing dayalogo.
Sa harap ng Camp Aguinaldo, ilang militanteng grupo ang nagkilos-protesta kasabay ng 2+2 Dialogue sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at Estados Unidos
Habang nilakad naman ng grupong Anti-Imperialist Movement | No to War Sector ang kahabaan ng Timog Avenue hanggang Tomas Morato Boy Scout Rotonda sa Quezon City bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa pagbisita nina U.S. Secretary of State Antony Blinken at Defense Secretary Lloyd Austin dito sa Pilipinas.
Ayon kay RJ Javellana ng Anti-Imperialist Movement – ang 2+2 Dialogue ay hindi solusyon sa kahirapang dinaranas ng mga Pilipino.
“Ang tawag sa agreement na ito ay 2+2 Bilateral Military Intelligence Agreement, ayaw ito ng taong bayan, ang nais ng taong bayan murang bigas murang tubig, murang kuryente pagkain tirahan gamot bahay hindi pagpapalakas ng militar kung hindi dapat gugulin sa pang-ekonomiyang pangangailangan ng mga Pilipino,” pahayag ni RJ Javellana, Anti-Imperialist | No to War Sector.
Binigyang-diin nito na ginagamit lang ng mga Amerikano ang Pilipinas para sa isang proxy war laban sa China.
“Tayo po ay gagawin lang na pambala sa kanyon na hindi naman giyera nating mga Pilipino, isang bangag na liderato lamang walang katinuan sa kanyang pag-iisip magpapasok sa isang kasunduan na hindi patas at ilalagay niya sa bingit ng kamatayan ang maraming Pilipino,” dagdag ni Javellana.
Ngunit bago pa man dumating sa bansa sina Austin at Blinken ay nauna nang nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang sektor ng lipunan para tutulan ang ginagawang panggagamit ng Amerika sa Pilipinas.
Ang nasabing protesta ay tinawag na No to US-BBM Proxy War.
Para sa isang geopolitical analyst na si Herman “Ka-Mentong” Laurel, nakakalungkot man isipin na kapwa mga Pilipino ang nagpapagamit sa mga Amerikano para mapasubo tayo sa gulo.
“Isang bagong peligro sa bayan natin ay hindi ang mananakop na dayuhan kundi ‘yong mga tagaloob po natin mga kapwa Pilipino natin na nagpapagamit po sa mga panlabas na pwersa na nais sakupin ang Pilipinas ulit,” saad ni Herman “Ka-Mentong” Laurel, Geopolitical Analyst.
Dagdag pa nito – hindi niya lubos maisip na kung sino pa ang nagpapahamak sa Pilipinas simula’t sapul ay siya pang kinakampihan ngayon ng mga Pilipino.
“At sa kasaysayan po ng Pilipinas ngayon, sinasabi nila kung sino-sino ang kalaban daw ng Pilipinas ang always kalaban ng Pilipinas has always been Amerika sila po ang dumayo po rito nag-invade ng Pilipinas umukupa ng Pilipinas pumatay po ng isang milyong Pilipino nong panahon ng Phil-American War,” dagdag ni Laurel.
Sinabi rin ng grupo na hindi totoo ang pangako ng Amerika na tayo ay tutulungan sa mga pinag-aagawang teritoryo at palalakasin ang depensa ng Pilipinas.
Patunay anila rito ang pinagmamayabang na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Marcos admin. Sabi ni BBM – pagpapalakas daw ng disaster response ng bansa ang EDCA. Pero lumabas nalang at lahat ang Bagyong Carina sa PAR – ay ni hindi man lang natin naramdaman ang presensiya ng mga Amerikano sa mga nasalantang lugar para mamahagi ng kahit konting ayuda.