INIHAYAG ng isang ekonomista na ‘smart move’ ang ginawang pagbitbit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Philippine Business Leaders sa World Economic Forum (WEF) sa Switzerland.
Nakikita ng isang ekonomista ang advantage na isinama ni Pangulong Marcos ang mga business leader sa WEF sa Davos, Switzerland.
Sa Laging Handa public briefing ngayong araw ng Lunes, sinabi ni Dr. Michael Batu na sa pamamagitan ng pag-participate ng business leaders ng Pilipinas sa WEF ay magkakaroon ng tinatawag na diversification ng mga negosyo.
“So, halimbawa, kung dati ay malalaking bansa lang ang nakakapag-export, sila ngayon possible na dahil nga sa pag-attend nila diyan, nakausap nila iyong mga leaders ng ibang bansa, is nagkaroon na ng pagkakataon para makapag-export din sila at ma-diversify iyong kanilang market,” ani Dr. Michael Batu, Economist.
Kaugnay rito, tinawag ni Dr. Batu na ‘smart move’ ang ginawang pagbitbit ni Pangulong Marcos sa Philippine Business Leaders sa WEF.
“Kasi mahirap iyan kung isang limited na mga bansa ka lang nag-i-export kasi kapag nagkaroon ng mga problema sa mga economy ng mga bansa na iyan ay maaapektuhan iyong pakikipagkalakaran sa mga bansang iyon. And sa sitwasyon natin ngayon na globalized na tayo ‘no, kung interconnected na ang mga bansa, napakahalaga at I think it’s a smart move ‘no na dinala ng ating Pangulo, binitbit niya iyong ating mga business leaders,” dagdag ni Dr. Batu.
Pagpresenta ni PBBM sa MIF sa WEF
Sa usapin naman ng Maharlika Investment Fund (MIF), inihayag ni Dr. Batu na makatutulong ang gagawing pagpresenta ni Pangulong Marcos sa MIF sa naturang economic forum para mapa-improve ang kasalukuyang bersyon ng panukala.
Saysay pa ni Dr. Batu, tila nararamdaman ng Pangulo ang interes ng ibang mga bansa sa MIF.
Magandang pagkakataon din aniya ito na makausap din ni Pangulong Marcos ang ibang global leaders tungkol sa sovereign wealth fund kung saan puwede siyang makakuha ng mga payo o advice at best practices sa pagpapatakbo nito.
At makakatulong ito sa pag-i-improve at sa pagpipino ng current version ng sovereign wealth fund, iyong Maharlika Investment Fund, habang papunta na ito sa Senado ngayong Enero.
Idinagdag pa ng ekonomista na kailangang ma-mention ni Pangulong Marcos kung ano-ano ang mga eligible o allowed investments nitong MIF.
Pakikipagkita ni PBBM sa Filipino community, nagpapahiwatig na hindi sila kinalimutan ng pamahalaang Pilipinas
Samantala, nabanggit naman ni Dr. Batu na ang pakikipagkita ni Pangulong Marcos sa Filipino community, ay nagpapahiwatig na hindi sila kinalimutan ng pamahalaang Pilipinas.
Paraan din aniya ito ng Chief Executive na maiparamdam sa mga Pinoy abroad na mayroong gobyerno na nakahandang tumulong sa pamamagitan ng mga embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
“Mahalaga itong pagtitipon ng Filipino community to meet the President whenever he goes outside of the Philippines. Kasi naipapakita dito na hindi nakakalimutan ng ating gobyerno ang ating mga overseas Filipino workers, mga OFWs ano – hindi sila nakakalimutan,” ayon pa kay Dr. Batu.
Bukod dito, puwede rin aniyang maipamahagi o maipaliwanag ng Pangulo ang mga programa na mayroon ang gobyerno para sa overseas Filipinos.
Ibinahagi pa ni Dr. Batu na isa rin sa paraan ang pakikipagkita sa Filipino community upang magpasalamat ang Pangulo sa suporta na nakuha niya mula sa mga ito.
Samantala, umaasa naman si Dr. Batu na makahimok si Pangulong Marcos ng maraming investment pledges pagkatapos ng WEF.