Pagdukot, pagpatay sa negosyante, may malaking epekto sa ekonomiya─Atty. Topacio

Pagdukot, pagpatay sa negosyante, may malaking epekto sa ekonomiya─Atty. Topacio

NATAGPUAN na kamakailan ang dinukot na Filipino-Chinese business tycoon na si Anson Que kasama ang driver nitong si Armanie Pabillo.

‘Yun nga lang, wala nang buhay nang matagpuan ang dalawa sa Rodriguez, Rizal nito lamang Miyerkules ng Abril 9.

Sa kabila rin ito ng pagbibigay ng ransom money ng pamilya ng biktima sa mga suspek.

Ang insidente naman na ito ay may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa.

Ayon sa chairman ng Citizens Crime Watch na si Atty. Ferdinand Topacio, magdudulot ito ng chilling effect sa ibang mga mamumuhunang negosyante sa bansa dahil may malaking banta sa kanilang seguridad.


“Malaking pinsala po niyan sa ating ekonomiya. Sapagkat kung ang isang taong katulad ni Anson Que ay maaaring madukot, siya ang may sariling sasakyan, may driver, siya naman ay hindi pumupunta sa lugar na sasabihin nating piligroso. Ngunit, gayon pa man siya ay nadukot, pinatutubos at napatay pa kasama ang kanyang drayber na nadamay. Papaano pa kaya ang mga pangkaraniwang mamamayan,”
pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, National Chairman, Citizens Crime Watch.

Ang pagtaas aniya ng kriminalidad sa bansa ay masasalamin din sa uri ng pamumuno ng isang lider.

Dahil kung ang lider aniya ay may paninindigan sa batas, makikita aniya ito pati sa mga mismong mamamayan.

“Alam n’yo ang dahilan niyan kung bakit tumataas ang kriminalidad sa atin, sapagkat ang leadership ng kahit anong bansa ay by example. Kapag ang leader ay mahigpit, matigas, talagang ipinatutupad ang batas laban sa krimen susunod ‘yan may subliminal effect ‘yan at sa mga mamamayan katulad ngayon, ako ay nasa Singapore. At dito sa Singapore kahit maiwanan n’yo ‘yung kahit anong gamit ninyo, kahit anong gamit ninyo ako ay nakalaglag ng wallet ngayon lang dito ibinalik din kaagad nung nakakuha hinabol pa ako. At dito, kahit alas dos, alas tres ng madaling araw maglakad kayo walang gagalaw sa inyo kahit kayo’y babae kahit kayo’y mag-isa, kahit kayo’y bata wala pong gagalaw dito. ‘Yan ang ehemplo ng leadership ng isang leadership na matibay at malakas,” dagdag ni Topacio.

Dagdag pa ni Topacio na ang pamahalaan ay naging perfect example ngayon sa paglabag ng Saligang Batas kaya ‘di kataka-taka na laganap ang krimen kahit saan.

“Ngayon ‘yung mga tao na nagsisilbi sa ating pamahalaan ay nakikita n’yo kung paano abusuhin kung papaano ang mga pulis natin katulad ni General Torre na basta na lamang nangsisira ng mga private property, nakita natin ‘yan sa raid ng The Kingdom of Jesus Christ. Nakita natin ‘yung pag-aresto ng walang warrant kay dating Pangulong Duterte. Ngayon ‘yung mismong hepe ng pulis, jina-justify ‘yung paggamit ng droga hindi daw adik kahit gumagamit ng droga. So, lahat ng factor na ‘yan nagti-trickle-down sa mentalidad ng mga tao. At nakikita nila na hindi na pala pinapatupad ang batas. It has become a lawless society,” ani Topacio.

Kaugnay rito, hindi rin maiwasan ni Topacio na maikumpara ang kapanahunan ng dating Pangulong Duterte kung saan takot ang mga masasamang-loob, maging ang mga gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga.

“Alam n’yo nung panahon ni Pangulong Duterte nakita naman natin dahil sa kanilang pananaw ng mga tao na mahigpit ang pagpapatupad ng batas, umayos ang mamamayan ang dami ‘yung mga simpleng user ang sumurender at kusang loob na nagpa-rehab para lamang sila ay maka-iwas. Tinitingnan nila ang consequences sapagkat talagang hinuhuli at nakikita natin ‘yung mga tinutugis talaga ‘yung mga bigtime druglord ‘yung mga pusher ng kani-kanilang mga lugar kahit pa sila ay nasa gobyerno mataas ang posisyon sila ay natatakot na idemanda,” aniya pa.

Paalala naman ni Topacio na kung magtutuloy-tuloy ang ganitong insidente ng pagdukot at pagpatay sa mga negosyante, tiyak aniyang mawawalan ng mga namumuhunan na nais magnegosyo sa Pilipinas at hihina ang ekonomiya ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble