BINIGYANG-diin ni Amos Rivera, dating konsehal ng Angeles City, Pampanga, na maituturing panloloko sa sambayanang Pilipino ang isinusulong na people’s initiative para baguhin ang Saligang Batas o Charter change.
Ito ay ayon sa panayam ng SMNI News North Central Luzon kay Rivera.
Hindi rin aniya tama na iugnay ang nasabing people’s initiative sa progmang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng pamahalaan para sa mga mahihirap at higit na nangangailangan nating mga kababayan.
“Wala po dapat any correlation doon sa signature petition na kino-connect o kino-correlate na mga ayuda, as in dapat walang ganun kasi in the first place kung may ganun ‘man sa mga meetings po nila or explanation, may seemingly panlilinlang, dapat walang ganiyan, dapat straight to the point, pwede kasing i-download po ‘yan, maraming avenues, pwedeng bigyan po ng letter ang city council for LGU, ito may people’s initiative gawin naming avenue ang city council para mag pass kayo ng resolution sa barangay level ninyo na magkakaroon tayo ng symposium convention,” pahayag ni Amos Rivera, Former Councilor ng Angeles City, Pampanga.
Ayon pa kay Rivera, hindi deserve ng bawat mamamayang Pilipino ang paliwanag na gagawing batas ang AICS at TUPAD na parehong programa ng pamahalaan kapalit ng pirma ng taumbayan.
Kaugnay ito sa kumakalat na video sa social media kung paano ipinapaliwanag sa mamamayang Pilipino ang people’s initiative na isinusulong ng House of Representative.
“Ito po ‘yung form na ito para ito sa kinakalap ng ating mahal na congressman na signature campaign, para saan po ‘yung signature campaign? Para po sa pag-amyenda o sa pagbabago ng 1987 Constitution. Di ba po binibigyan tayo ni congressman ng AICS, di ba po binibigyan tayo ni congressman ng TUPAD, ang AICS po ba at TUPAD, batas ngayon? Wala pong batas di ba, kung ito po magkaroon ng pagbabago, gagawin na pong batas ang AICS at TUPAD,” FB source.
Ani Rivera, kinakailangang klaro sa taumbayan ang tunay na kahulugan ng Charter change dahil hindi umano ito biro at maaari nitong maapektuhan ang buhay ng napakaraming Pilipino.
“Kung pinag-uusapan po Charter change for ayuda, ‘wag na po tayong mag-usap kasi masyadong shallow po ‘yun, so again kung meron pong intent na manlinlang, hindi maganda po ‘yung kick-off ng PI, sana hindi naman po ganiyan and we deserve better and I believe, we Filipinos po deserve a government that will promote transparency, at the same time pwede naman kasi, kung wala ka namang tinatago pwede naman talaga right there and then sasabihin mo kung ano ba ‘yung proposed Charter change,” ani Rivera.
Paalala pa ni Rivera, ang ayuda ng gobyerno na ipinamamahagi sa sambayanang Pilipino ay mula sa pera ng taumbayan kung kaya walang utang na loob ang mamamayan sa mga politikong nasa katungkulan.