Pagkamatay ng mag-asawang Tiamzon, malaking kabawasan sa CPP-NPA – Phil. Army

Pagkamatay ng mag-asawang Tiamzon, malaking kabawasan sa CPP-NPA – Phil. Army

MALAKING kabawasan sa operasyon ng CPP-NPA sa bansa ang umano’y pagkamatay ng CPP leaders na mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.

Dahil dito ay kakaunti na lang at malapit nang matapos ang problema ng insurhensya sa bansa.

Ito ang positibong pahayag sa panayam ng SMNI News kay BGen. Steve Crespillo, Commander ng 501st Infantry Valiant Brigade ng 5ID Philippine Army.

Aniya, hindi na magtatagal at mauubos na rin ang kalaban ng pamahalaan na CPP-NPA-NDF.

Sa katunayan, ikinatuwa mismo ng Philippine Army ang pagkamatay ng dalawang kilalang matataas at matatagal nang opisyal ng komunistang teroristang kilusan na CPP NPA na sina Benito at Wilma Tiamzon matapos itong ma-neutralize sa Rehiyon 8.

Giit ng militar, tiyak na may malaking epekto ito sa lalong lumiliit na bilang ng mga NPA sa bansa.

Samantala, nito lamang nakaraang buwan nang tuluyang nagapi ng militar ang dalawang malalaking kuta at grupo ng communist terrorist group sa lalawigan ng Cagayan.

Patunay lang anila ito na hindi titigil ang pamahalaan para pigilan ang patuloy na pananalasa ng mga rebeldeng ito sa kabila ng kakarampot nitong bilang.

Sa kabilang banda, bukod sa military operations laban sa mga rebeldeng grupo, kasama rin sa prayoridad ng mga kasundaluhan ang pagtulong sa mga komunidad lalo na sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.

Kasunod ng pagtama ng bagyong Florita sa Hilagang Luzon, kung saan naging katuwang din ang Philippine Army sa pag-repack at paghahatid ng tulong at ayuda sa mga apektadong pamilya at mga residente sa mga dinaanan ng bagyo.

Sa huli, muling nakikiusap ang militar sa mga natitira pang miyembro ng CPP-NPA sa bansa na sumuko na lang at magbagong buhay kasama ang pamahalaan at mga mahal sa buhay sa ngalan ng kapayapaan at katahimikan ng bansa.

 

Follow SMNI News on Twitter