Pagkuha ng contact tracers, ipinanawagan sa DILG

NANAWAGAN ngayon si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda sa Department of Interior and Local Government (DILG) na i-renew ang kontrata ng contact tracers.

Giit ni Salceda, mahalaga na magkaroon muli ng contact tracers ang pamahalaan lalo na ‘t nahaharap ngayon ang bansa sa banta ng mas nakahahawang variant ng COVID-19 mula sa UK.

Giit ng kongresista, ngayong buwan ang tamang pagkakataon na maiwasan na magkaroon ng bagong wave ng COVID-19 at mahalaga ang trabahong ginagampanan dito ng contact tracers.

Diin pa ng kinatawan ng Albay na hindi na kaya pangtustusan ng gobyerno ang gastos kung magkakaroon muli ng lockdown kaya mas maiging maagapan ito.

“January is the window of opportunity to prevent a new wave of COVID-19 infections. The economy simply cannot afford another lockdown, and we cannot afford to risk the lives of health care workers now that we have not yet vaccinated them in mass,” pahayag ni Salceda.

Kung pondo ang problema, mungkahi ng kongresista na gamitin ang budget na nakapaloob sa Bayanihan II.

Puwede rin daw na gamitin ang natitirang pondo ng 2020 National Budget dahil pinahaba pa ang bisa nito.

Magagamit pa ang nakaraang pambansang pondo hanggang sa katapusan ng 2021.

“The reason why Congress granted emergency powers to the different departments is so that these issues on procurement and cash do not happen,” dagdag ni Salceda. “The extension of the Bayanihan II and 2020 budget should remedy this concern.”

Nakikita naman ni Salceda na mataas ang posibilidad ng pagsipa ng COVID-19 cases lalo na’t kadidiwang lang ng holiday season sa bansa.

Sa pagtaya nito, nasa 1.3 ang infection rate sa bansa o katumbas ng 13 taong nahahawaan ng COVID sa bawat sampung carrier.

Giit ng opisyal na dapat mas bumaba pa dito ang infection rate.

“We’re at the 1.3 levels again. That means every ten people that get infected are able to infect 13 other persons. We want to keep the rate below 1, over and under by 10%, which it was for the entire last quarter of 2020,” diin ni Salceda.

Matatandaan na nasa 50,000 contact tracers ang kinuha ng DILG noong 2020.

Subalit hindi na na-renew ang kanilang kontrata dahil hindi nasama ang budget nila sa 2021 General Appropriations Act.

Kaya panawagan ngayon ni Salceda sa DILG na kumuha ng contact tracers dahil handa sila sa Kamara na hanapan ito ng pondo.

“I call on the DILG to reinstate those contracts immediately. If there are problems, especially with cash, let Congress and the country’s leaders know, so we can solve them. We should not cut back on the essentials,” panawagan ni Salceda.

SMNI NEWS