Paglunsad ng Phil Export Dev’t Plan 2023-2028, pinangunahan ni PBBM

Paglunsad ng Phil Export Dev’t Plan 2023-2028, pinangunahan ni PBBM

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang paglunsad Phil Export Dev’t Plan 2023-2028.

Dinaluhan ni PBBM ang International Trade Forum (ITF) sa Shangri-La The Fort, Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City nitong umaga ng Huwebes, Hunyo 15.

Ang forum na inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) ay may temang “Empowering Philippine Export Industries.”

Inihayag ng Pangulo na maaasahan ang Pilipinas bilang katuwang ng mga international community at ng mga foreign trade partner sa pagpatutupad ng PEDP 2023-2028 na layong payabungin ang local export industry sa bansa.

Sinaksihan naman ni Pangulong Marcos ang paglagda ng mga kinatawan ng pamahalaan at pribadong sektor ng isang ‘Statement of Commitment to Implement the Philippine Export Development Plan.’

“With the signing of the Philippine Export Development Plan (PEDP), we formally begin the implementation of the key strategies to nurture the growth of our local export industry for the next six years, to transform it into a strong and highly competitive pillar of our economy,” mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ang nasabing kasunduan ay naglalayong siguraduhin ang maayos na pagpatutupad ng PEDP; tukuyin, ipatupad at suportahan ang mga patakaran, programa at proyekto na nakapaloob sa PEDP; palakasin ang export sector ng bansa at tugunan ang mga pagsubok na kinakaharap nito partikular ang mga regulasyong nakapagpapabagal ng proseso.

Tinalakay rin sa naturang forum ang mga importanteng benepisyong hatid ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng RCEP Agreement, na ipatutupad ngayong buwan, sa pagpapalawak pa ng market reach ng Pilipinas sa Asya-Pasipiko at buong mundo.

Aniya, ang free trade pact ay isa pang makabuluhang milestone sa export agenda ng bansa.

 “The coverage of RCEP covers, in terms of individuals, over 2 billion individuals that are involved in this trade agreement. Our participation in these trade agreements not only deepens our economic integration, but also demonstrates our global competitiveness,” ani Pangulong Marcos.

Pinakamahusay na gawi ng mga bansa sa free trade agreement para sa export, pinag-aaralan ng Pilipinas—PBBM

Samantala, inihayag ni Pangulong Marcos na masusing pinag-aaralan ng mga economic manager ang pinakamahuhusay na gawi ng ibang mga bansa na naging matagumpay sa kanilang mga free trade agreement (FTA) para sa kanilang mga export.

Sa isang panayam ng media matapos ang pagdalo sa International Trade Forum, sinabi ng Pangulo na ang pagkatuto sa mga tagumpay ng ibang mga bansa ay magiging susi para manatiling mapagkumpitensiya ang

“Kaya pinag-aaralan natin lagi kung ano ‘yung mga ginagawa ng mga ibang bansa na successful sa kanilang trade agreements sa kanilang mga export. At ang pinakamagaling sa ngayon ay nandito sa Asya. Iyan ang kakumpetensiya natin,” ayon sa Pangulo.

Binanggit ng Pangulo na malapit nang lumagda ang Pilipinas sa isang free trade agreement sa gobyerno ng Korea at nagsusumikap ngayon sa pagpirma ng FTA sa European Union at United States.

“Ang pinakanahuli sa mga ganyang treaty pero nilalakad pa natin yung mga FTA sa iba’t ibang bansa, malapit na tayong pumirm sa Korea. We are still working on the EU, we are still working on the United States,” aniya pa.

Sa 15-country market coverage ng RCEP, maaaring palawakin pa ng Pilipinas ang pag-abot nito sa merkado para sa mga nai-export na produkto nito, hindi lamang magpapalalim sa economic integration ng bansa, kundi pati na rin sa pagpapakita ng pagiging mapagkumpitensiya nito sa buong mundo.

Ang pagpatutupad ng RCEP Agreement sa Pilipinas ay inaasahang magpapalawak ng mga oportunidad sa merkado, magsulong ng higit pang mga cross-border regional value-chain, magpapataas ng pagiging kaakit-akit ng mga industriya sa foreign direct investments (FDIs) at, magsusulong ng mas madaling partisipasyon ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa regional trade.

Ang ITF ay bahagi ng mga programa ng DTI na may layong ipabatid sa publiko lalo higit sa mga stakeholder ang iba’t ibang trade policies na maaaring makatulong sa kani-kanilang mga negosyo partikular sa MSMEs at mahikayat silang makibahagi sa pagbuo ng nga polisiyang may kaugnayan sa kalakalan.

Kasama ni Pangulong Marcos sa event sina DTI Secretary Alfredo Pascual, DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, SAP Anton Lagdameo at iba pang opisyal.

Kabilang din sa dumalo sa ITF ang mahigit 200 na mga kinatawan ng pamahalaan, iba’t ibang sektor ng negosyo, Foreign Trade Agreement (FTA) partners, samahan ng mga negosyante.

Samantala, pinangasiwaan ni Pangulong Marcos ang panunumpa sa tungkulin ng lahat ng inductees ng Philippine Chamber of Commerce, Inc. (PCCI), Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT), at mga opisyal ng Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP).

Sa pamamagitan ng “whole of nation approach” at pagtutulungan ng pribadong sektor at mga ahensya ng gobyerno, tiwala ang Pangulong Marcos Jr. na kayang maging isang export powerhouse ang Pilipinas pagsapit ng taong 2028.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter