Paglusob ng PNP sa 5 religious compounds ng KOJC sa Davao City, tinawag na kalabisan, marahas, at ilegal—dating opisyal ni PBBM

Paglusob ng PNP sa 5 religious compounds ng KOJC sa Davao City, tinawag na kalabisan, marahas, at ilegal—dating opisyal ni PBBM

MADALING araw ng Hunyo 10, 2024 −araw na hinding-hindi malilimutan ng milyun-milyong miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) dahil sa mapangahas, at puro takot ang idinulot ng mga miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) at mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa paglusob sa limang religious compounds ng KOJC sa Davao City at Malungon, Sarangani.

Daan-daang bilang ng mga pulis ang ipinadala ng pamahalaan para sa simpleng pagsisilbi lamang ng arrest warrant laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy at limang kasamahan nito. Bagay na aminado rin ang PNP na maaari itong gawin sa maayos at mahinahong pamamaraan, ngunit taliwas naman ito sa tinuran ng mga pulis na tila mga armado at kriminal na mga tao ang kanilang sinugod sa mga itinuturing na sagradong lugar ng mga taga-KOJC.

Isang pangyayari na hindi rin pinalampas ng dating executive secretary ng Marcos administration na si Atty. Vic Rodriguez.

Aniya, kalabisan ang ipinakita ng pamahalaan partikular na ng pambansang pulisya kontra sa mga walang kalaban-laban na misyonaryo ng KOJC.

Giiit ni Rodriguez, hindi na ginalang ng PNP ang mga lugar ng pagsamba ng Kingdom lalo pa’t wala naman aniyang datos o rekord ang kapulisan na mga bayolenteng tao ang naninirahan dito kasama na si Pastor Apollo.

“Balikan din natin muli ang ginawang pagtrato doon sa pagsi-serve ng warrant of arrest kay Pastor (Apollo) Quiboloy. Bilang Pilipino hindi ko inaabswelto kung may pagkukulang o pagkakamali ang isang akusado, pero tingnan naman natin ‘yung pagmamalabis noong pagsi-serve ng warrant of arrest. ‘Yung tao at ‘yung kaniyang simbahan na hindi naman kilala bilang bayolenteng tao at bayolenteng grupo, padadalhan mo ng dalawang batalyon ng sundalo?” giit ni Atty. Vic Rodriguez, Dating Executive Secretary.

Para sa dating Malacañang official, bias ang pamahalaan laban kay Pastor Apollo lalo na sa SMNI sa paniniwalang hadlang aniya ang mga ito sa mga political interest ng kasalukuyang administrasyon. Imbes, aniya na suportahan ang kaisa-isang media na naghahatid ng totoong balita at kaganapan ng bansa, ay siya pa itong binabaliktad at ginagawang masama.

“Ito ay dahil siya at ang SMNI ay tinatrato nilang political inconvenience. Ito ‘yung mga nagdadala ng totong kaganapan sa ating bansa subalit hindi natin dapat na hayaan ang ganitong malinaw na injustice na ginagawa sa isang Pilipino. Ngayon nga ho na nariyan ang Saligang Batas ay nilalapastangan nila, imaginin ninyo ang buhay ng mga Pilipino kung paano magiging miserable kung hahayaan natin silang lapastanganin ang ating Saligang Batas,” dagdag pa ni Rodriguez.

Bumuwelta rin si Rodriguez sa labis na panggigipit ng pamahalaan kay Pastor Apollo.

“Bakit iba ang trato doon sa akusadong ang pangalang Pastor Apollo Quiboloy kumpara doon sa tao na inakusahan na pilit na pinatatahimik ang resource person ng Senate investigation na ang pangalan ay James Kumar. Hindi ba’t kasalanang malaki na pakialaman mo ang Senate investigation at suhulan ang resource person at sabihin mo na huwag ka nang mag-ingay, manahimik ka na lang at magsabi ka ng ano ang gusto at kung magkano ang gusto mo,” dagdag nito.

Aniya, dapat asikasuhin ng gobyerno ang naglalakihang isyu ng lipunan gaya ng malawakang korapsiyon, krimen, at ilegal na droga.

“Ang budget ng ating pamahalaan at higit kumulang P5.7-T at higit-kumulang sa kalahati po diyan ay utang. Utang na nga ang mahigit sa kalahati nakuha pa nilang magsingit ng P800-B higitkumulang na unprogrammed funds. Pero walang malinaw na pananagutan sino ang magdi-disburse nito, paano at saan gagastusin ito at sino ang may malinaw na pananagutan kapagka ito ay ginamit sa malinaw na graft and corruption,” hirit ni Rodriguez.

Mula sa sunud-sunod na press conference ng KOJC, patuloy ang paninindigan ng Kingdom na sila ang tunay na biktima ng panggigipit at pang-aabuso, sila ang nilapastangan at hindi ginalang ang kanilang mga karapatan lalo na sa kanilang sagradong pananampalataya.

Sa ngayon, tuloy rin ang kanilang pagmamatyag dahil sa posible pang paglusob muli ng mga operatiba ng PNP at maulit ang mga pang-aabuso sa mga inosenteng mamamayan ng KOJC.

Follow SMNI NEWS on Twitter