Pagpapanatili sa pondo ng NTF-ELCAC ilalaban ni Senador dela Rosa

ILALABAN ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa Senado na mapanatili ang pondo ng NTF-ELCAC.

Ito ay sa gitna ng panawagan ng iilang mga senador na i-defund ang task force  o hindi ito bigyan ng pondo sa susunod na budget season dahil umano sa mapanirang mga pahayag nito.

Ayon kay Dela Rosa, kung paano niya ipinaglaban ang pondo ng NTF-ELCAC noong nakaraang taon ay gagawin din nito lahat ngayon para manatili ang pondo ng task force.

(BASAHIN: Dating kadre ng CPP-NPA na si Ka Eric, hindi pabor nai-defund ang NTF-ELCAC)

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act o GAA ay nabigyan ng P19-B pondo ang naturang task force kung saan 16.4 ay nakalaan para sa Barangay Development Program ng 800 cleared barangays.

Sa nasabing programa ay maaari itong makapagbigay ng kabuhayan, rural electrification o pagpapailaw, health and sanitation, patubig at paggawa ng eskwelahan sa mga naturang barangay.

“During the plenary debates, diyan sa budget ng NTF ELCAC ginawa ko na po yan marami talagang humaharang alam mo na for whatever reason, among mga motive nila kung bakit na mapondohan ng ganun kalaki ang NTF ELCAC ay I put it out, I defended, I tried my best, did my best to have that budget passed, siguro naman kung papaano ko sila nakumbinsi noon ay ganun din ang gawin ko ngayon para makumbinsi sila ngayon,” pahayag ni dela Rosa.

Paliwanag ni Dela Rosa, ang naturang pondo ay susi para tuluyang mapagtagumpayan ng bansa ang laban sa insurhensya.

“Ang giyera hindi natin napapanalo through guns and bullets, napapanalo natin ang problema sa insurgency through delivering basic social services doon sa ating taumbayan na matagal ng napabayaan ng gobyerno,”ani Dela Rosa.

Mahalaga rin aniya ito para hindi mawala ang simpatya ngayon ng mga dating rebelde sa pamahalaan.

Sakali raw kasing tuluyang hindi maibibigay ang mga programa ay maaaring muli silang kumapit sa mga komunista.

“Ang panalo diyan mga NPA, sasabihin ng mga taumbayan diyan sa kabarangayan ay wala, walang kwenta ang gobyerno. Walang isang salita, mabuti pa balik na lang tayo doon sa NPA dahil sa NPA baka may pakinabang pa tayo kahit papaano,” ayon kay Dela Rosa.

Sinabi naman ni Dela Rosa, na dahil sa kanyang mahabang karanasan sa pakikipaglaban sa mga komunista bilang pulis kaya naninindigan ito sa magandang programa ng NTF ELCAC.

“Itong pinaghugutan ko na ito ay hindi pamumulitika, kung di ang pinaghugutan ko nito yong buhay ng ating mga tao na mamatay sa pakikipagbakbakan namin sa NPA at ‘yong aking experensya na bata pa ako sa serbisyo, very solid foundation, kahit anong gusto nilang mangyari hindi ko yan igi-give up,” dagdag ng senador.

Naniniwala naman si Dela Rosa na hindi ito nag-iisa sa Senado na haharang sa nasabing defunding ng task force.

SMNI NEWS