MAHALAGA ayon kay Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapaunlad ng lokal na imprastruktura.
Bilang Vice Chairperson of the Senate Committee on Finance, binisita ni Sen. Go nitong Setyembre 16 ang pangunahing infrastructure project sa Damulog, Bukidnon kung saan naging susi rin ang senador para maipagpatuloy ang nasabing proyekto.
Unang binisita ni Sen. Go ang Bagsakan Center o public market na itinayo para sa mga lokal na magsasaka at maliliit na negosyante na magpauunlad sa lokal na ekonomiya ng lugar dahil magkakaroon na ito ng mas maayos na sistema sa pagbebenta ng kanilang mga agrikultural na produkto.
“Sa tulong ng Bagsakan Center, magkakaroon ng mas maayos na sistema sa pagbebenta ng produkto ng ating mga magsasaka. Diretso na sa bulsa nila ang kita,” ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go.
Tinungo rin ni Go ang bagong itinayo na evacuation center at sinabing napapanahon na ang pagpapatupad ng mandatory evacuation centers sa buong bansa na maayos, kumportable at tiyak na makakapagpahinga ang ating mga kababayan na maaring tamaan ng sunog at iba pang kalamidad.
“Napapanahon na para magkaroon tayo ng mandatory evacuation centers. Maayos at malinis na evacuation center kung saan po’y magiging kumportable po ang mga kababayan natin na makapagpahinga ‘pag nabahaan sila, nasunugan sila,” dagdag ni Sen.Go.
Maliban dito, itinutulak din ni Go ang SBN 188 o ang pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience, isang Cabinet Secretary Level Department na siyang responsable sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public and Work and Highway (DPWH), Department of Energy (DOE), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa kaparehong araw, sinaksihan din ng butihing senador ang ground breaking ceremony ng Super Health Center sa bayan ng Manolo Fortich at ang ginanap na basketball match sa pagitan ng LMP Bukidnon at LMP Misamis Oriental sa Damulog Municipal Gymnasium.