SA ginanap na change of command at retirement ceremony ng 10th Infantry Division (10ID) ng Mawab, Davao de Oro nitong Setyembre 15, isang mensahe ang ibinigay ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga kasundaluhan bilang guest of speaker.
Ayon kay dating Presidente Duterte, kahit minsan, wala siyang narinig na reklamo sa mga sundalo sa tagal niyang nanungkulan sa gobyerno at nabanggit isa sa kaniyang pangako sa hanay ng kasundaluhan noong siya ay naging pangulo ng Pilipinas.
“Ito sila, kayong lahat hanggang ngayon, ni minsan, naging ARPOC ako, chairman, everything, ni minsan wala akong narinig na reklamo sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Saludo ako sa inyo. The only reason na ‘nung Presidente ako, I put only one promise that I will double your salary,” ayon kay Rodrigo Roa Duterte, Former President.
Ipinahayag din ng dating Pangulo ang kaniyang saloobin sa nabalitaang ilang pulis ng ang nasangkot sa droga nitong nakaraang buwan at ipinaliwanag kung bakit nagkakaroon ng ganitong problema sa mga kapulisan.
“Itong pulis, well they worked for the people. Ang problema nito is because of their occupation. They are more or less open to public. And with that, these temptations of you know, in a community, may mga sugal, may mga racket. And I’m very sad ‘nung nakaraang buwan na ilang pulis ang—officer ng PNP na involve sa drugs. At alam naman ninyo gaano ako kagalit sa drugs. As a matter of fact, that is why I am facing charges itong ICC..ICC na yan hindi ko pinapansin,” dagdag ni FPRRD.
Sa kaparehong araw, masayang ipinagdiwang ni Major General Jose Eriel Niembre ang kaniyang retirement ceremony at malugod namang tinanggap bilang bagong commander ng 10ID si BGen. Allan Hambala.
Pinuri naman ni dating Pangulong Duterte, ang pamumuno at mga nagawa ni Major Gen. Niembra sa paglaban sa insurhensiya, terorismo, at iba pang banta sa pambansang seguridad.
“Lubos akong nagpapasalamat kay Maj. Gen. Jose Eriel Niembra para sa iyong hindi natitinag na dedikasyon, pambihirang pamumuno, at walang sawang pangako sa panahon ng iyong panunungkulan bilang commanding officer ng 10th Infantry Division,” ani FPRRD.
Kasamang dumalo sa kaganapan ang mga opisyal sa gobyerno ng Davao Region na may matataas na ranggo bilang pagpapakita ng suporta sa ating mga bayaning kasundaluhan sa Davao Region.
Nagbahagi rin ng kaniyang taos pusong pasasalamat na mensahe si retired Major Gen. Niembre sa walang katapusang suporta ni dating Pangulong Duterte sa kaniya at sa buong kasundaluhan sa bansa.
Nangako naman si bagong Commander Brig. Gen. Hambala ng 10ID na ipagpapatuloy ang programa at aktibidad ng kaniyang sinundang opisyal upang mapanatili ang insurgency-free status ng mga lugar na sakop ng division sa rehiyon ng Davao.
Hiniling din nito ang buong partisipasyon at suporta ng mga mamamayan sa pagpigil sa patuloy na pangre-recruit ng natitira pang rebeldeng grupo sa rehiyon.