SUPORTADO ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mungkahi ni dating Sen. Juan Ponce Enrile upang masolusyonan ang pangit na sitwasyon at kalagayan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kaniyang programang “Dito sa Bayan ni Juan” noong araw ng Sabado ay iminungkahi ni Enrile ang pagsibak sa mga nangangasiwa sa NAIA.
Ito’y matapos ang panibagong aberya sa pangunahing paliparan ng bansa noong Hunyo 9, 2023.
Sinang-ayunan naman ito ni dating Pangulong Duterte.
Sa programa nito sa SMNI na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” Lunes ng gabi, binigyang-diin ni Duterte na tama ang naging mungkahi ni Enrile.
“I agree with the former senator and Defense secretary.”
“Tama si Sen. Enrile. Sibakin na lahat pati itong pulis. Major overhaul ako, from top to bottom,” ayon kay FPRRD.
Ang nangyaring mahigit kalahating oras na power outage noong Hunyo 9 sa NAIA ay pangatlong beses nang aberya ngayong taon.
Una ay noong ‘New Year’s Day’ kung saan naparalisa ang buong air navigation system ng bansa.
Sinundan ito noong ‘Labor Day’, Mayo 1.
Buwan ng Setyembre 2022 naman nang maganap din ang power failure sa NAIA Terminal 3.
FPRRD, suportado ang pagsasapribado sa NAIA
Samantala, pabor naman ang dating Pangulo na isapribado ang NAIA.
Ito’y para matiyak na magiging epektibo, ligtas, malinis, at maayos ang pamamalakad sa nasabing paliparan.
“Alam mo sa totoo lang, I would go further. I will privitize NAIA. Give it to the private hands. It will be more efficient. I am sure of that. I will be more secure, cleaner, better run, and what have you. I-privitize mo,” ani PRRD.
Humingi na ng paumanhin ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga pasahero at iba pang naapektuhan ng pinakabagong insidente.
Samantala, inamin naman ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang pagkakamali dahilan kung bakit nawalan ng kuryente noong Biyernes sa NAIA Terminal 3.
Aksidente umanong naiwan ng isang personahe ng subsidiary nilang MSERV ang grounding conductors na nakakabit sa electrical equipment na naging sanhi ng electrical fault.
Humihingi naman ng paumanhin ang Meralco sa nangyaring aberya at tiniyak na hindi na mauulit.