SA launching ng kanyang ‘tell all’ book sa isang hotel sa Pasig ay idinetalye ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang mga sinapit niya sa kamay ng mga Marcos sa 79 na araw niyang pagsisilbi sa gabinete.
Si Rodriguez ay malapit na kaibigan at nagsilbing chief of staff at chief strategist ni Marcos noong 2022 elections.
Siya rin ang abogado ni Marcos Jr. sa electoral protest niya laban kay Vice President Leni Robredo noong 2016—mga panahon na walang kakampi ang pamilya Marcos matapos matalo sa VP race.
Sa kanyang libro, na inakda ng beteranong manunulat na si Gerry Lirio, ay inilahad ni Rodriguez kung paano nagkaroon ng lamat ang samahan nila ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Lalo na’t may mga gusto iraw pasok si Araneta Marcos sa revenue-genarating na mga tanggapan gaya ng Bureau of Customs, BIR, PAGCOR at PCSO.
Pati na ang papatawag ni Araneta-Marcos ng meetings sa Malacanang sa mga gabinete.
Kwento ni Rodriguez, na mistulang pinasusunod siya ng unang ginang gayong wala naman daw itong mandato sa taumbayan.
‘’There are those who would want to be appointed right away and get in the line ahead of those that we were processing before them. Kaya lang, bulong dito bulong diyan, paninira dun,’’ ayon kay Atty. Vic Rodriguez dating Executive Secretary.
Binanggit rin ni Rodriguez sa kanyang libro na ginusto ng First Lady na magkaroon ng kapangyarihan sa usapin ng military appointments.
Kung matatandaan, sa unang bahagi ng Marcos Jr. administration, ilang beses na nagkaroon ng rigodon sa Armed Forces of the Philippines.
Ilan sa mga naapektuhan ay sina dating AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro at dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Brig. General Marcelino Teofilo.
Batay sa libro, nagalit raw si Araneta-Marcos sa report ni General Teofilo ng ISAFP na may namumuong anti-Rodriguez group sa gabinete.
Dahil dito, inakusahan raw ni Araneta-Marcos si Rodriguez ng wiretapping sa kaniyang gamit ang ISAFP.
Kung matatandaan, naglabas noon ng video si Araneta-Marcos kasama si dating PSG Chief BGen. Ramon Zagala kung saan pinabulaan nito na may kinalaman siya sa mga appointment sa gobyerno.
Pero, naka-detalye sa libro ni Rodriguez ang totoong mga nangyari.
‘’Kailangan yun lang may mandato ang nagdedesisyon, maaari kang humingi ng payo… Natural maaari kang humingi ng wisdom, legal or non-legal advice but at the end of the day, it’s the call of the one who’s elected to office as President and no one else,’’ saad nito.
Dahil sa mga isyu sa kanila ng First Lady ay napilitan raw’ng mag-resign si Rodriguez bilang ES kahit may alok sa kaniya na maging Presidential Chief of Staff.
Samantala, natanong naman si Rodriguez kung naniniwala ba siya na ang First Lady nga ba at hindi ang Pangulo ang nagpapatakbo sa bansa?
‘’Hindi ako naniniwala na yung yung direksyon na kung hahayaan siyang magdesisyon at mag-isip, hindi ako naniniwala na yun ang direksyon ni Presidente Marcos. Could be what’s happening now are the result of the influence of one or of many,’’ ani Rodriguez.
Sinagot din ni Rodriguez ang tanong kung dapat bang mag-resign sa pwesto si Marcos Jr.?
Sa kabila ito ng matinding pressure mula sa publiko sa mga MAISUG Peace Rally na ginaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa buong mundo.
‘’Ferdinand Marcos Sr. for all his shortcoming meron din siyang (objectively I’m looking at him ha) noong dulo na February of 1986, noong sinabihan siya na cut and cut clean doon mo makikita sablay-sablay na in shambles na ang ating bansa yet he cut it cut clean and stepped down. Dahil iniisip niya siguro na hindi na siya mabuti sa mga Pilipino. At kung diyan natin susundin kung ano yung puno ay siya rin ang bunga, sana sa aspetong yun positibo yun eh na hindi na ako mabuti sa bansa, I will step down. Alis nalang ako. That was the puno noong 1986 noong February. We’ll see if the bunga of that positive appreciation of this will still pop and do a supreme sacrifice and follow the footsteps of the Father,’’ dagdag nito.