HINDI magpapatupad ng long term quarantine classification ang gobyerno, ito ang sinabi ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ni Vergeire, ito ay dahil sa dynamic nature ng COVID-19 pandemic.
Ani Vergeire, ipagpapatuloy nila ang nakagawian na buwanang pagdi-desisyon ukol sa long term quarantine classification ng iba’t ibang lugar sa bansa.
Bukod pa rito, ginagawan na rin ng paraan ng gobyerno na unti-unti ng magkaroon ng pagluwag sa mga restriksyon.
Kaugnay nito, plano na rin ng gobyerno na ipaubaya na sa mga alkalde ang pag-impose ng quarantine classification sa kani-kanilang lugar.
Pilipinas, naitala na ang pinakamaraming nabakunahan sa isang araw, target na daily vaccine rollout, malapit ng makamit
Samantala, naitala na ng bansa ang pinakamaraming nabakunahan kontra COVID-19.
Kahapon, July 13, umabot sa 375, 000 ang nabakunahan sa buong bansa ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Dahil dito, malapit na umanong makamit ng Pilipinas ang target na 500, 000 daily vaccine rollout.
Kaninang umaga, dumating na rin ang karagdagang 1 million doses ng Sinovac vaccines.
Rekumendasyon ng Metro Manila mayors sa susunod na quarantine classification sa NCR, dedesisyonan ngayong araw
Gayun paman, dedesisyonan ngayong araw ng Metro Manila mayors ang quarantine classification na kanilang sunod na irerekumenda para sa NCR.
Ayon kay Metro Manila Council at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, sa ngayon ay pinag-uusapan pa rin ito ng MMC.
Sakaling maayos na aniya ang rekumendasyon ay iaanunsyo ito ni MMDA Chairman Benhur Abalos.
Pagkatapos aniya ay ipapadala ang rekumendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa kanilang konsiderasyon.
Ang Metro Manila ay nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) “with some restrictions” hanggang bukas, Hulyo 15.