Pamahalaan, nais maibaba sa 10% ang target-listed drug personalities pagsapit ng 2028

Pamahalaan, nais maibaba sa 10% ang target-listed drug personalities pagsapit ng 2028

TARGET ng administrasyong Marcos sa Hunyo 2028 na bawasan ang target-listed drug personalities ng 10 porsiyento ng taunang target list.

Ito ang inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes.

Dagdag pa rito, nais din ng pamahalaan na magtatag ng Community-Based Drug Rehabilitation Programs (CBDRPs) at Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) sa lahat ng probinsiya, lungsod, munisipalidad at barangay.

Nais ding makamit ng gobyerno ang 1:1 ratio ng “established treatment and rehabilitation facility” bawat lalawigan pagsapit ng 2028.

Anti-drug campaign ni PBBM, nakapagkumpiska ng P10.41-B halaga ng ilegal na droga noong 2023

Kaugnay rito, ibinahagi ng PCO na base sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nakapagkumpiska ang administrasyong Marcos ng humigit-kumulang P10.41-B na halaga ng ilegal na droga mula Enero hanggang Disyembre 2023.

Dagdag pa rito, na-clear na rin ang mahigit 27,000 barangay mula sa narcotics sa ilalim ng bagong estratehiya ng kasalukuyang administrasyon.

Maliban sa pagkakakumpiska ng malalaking bulto ng ilegal na droga, iniulat ng PCO na nasa 56,495 na suspek ang naaresto nito matapos magsagawa ng mahigit 44,000 anti-illegal drug operations.

Sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP, na-clear ng gobyerno ang 27,968 barangay mula sa ilegal na droga.

Ito naman ay base sa annual accomplishment report ng pamahalaan kung saan saklaw rito ang 23 probinsiya, 447 munisipalidad at 43 lungsod na nagtatag ng kani-kanilang community-based drug rehabilitation programs (CBDRPs) noong Disyembre 27, 2023.

Nasa 50 probinsiya, 1,160 munisipalidad at 30 lungsod ang may functional ADACs na nagpapatupad ng mga prayoridad laban sa droga sa lokal na antas.

Bilang karagdagan, nakapagtatag din ng 74 na in-patient treatment at rehabilitation facility.

Kaugnay rito, inilunsad ng DILG, katuwang ang iba pang national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), pribadong sektor, faith-based at civil society organizations ang Buhay Ingatan, Droga’y Iwasan (BIDA) program noong Nobyembre 2022.

Ang DDB, sa kabilang banda, ay patuloy na nagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP), na may layuning makamit ang 100 porsiyentong drug-free/drug-cleared barangays sa taong 2028.

Sen. Bato dela Rosa, nagpahayag ng pananaw tungkol sa drug war campaign ng Marcos admin

Samantala, inihayag ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magandang accomplishment ito ng pamahalaan patungkol sa anti-illegal drugs campaign.

Gayunpaman, iginiit ni Dela Rosa na base sa komento ng taumbayan, mas may diin o tindi ang aksiyon ng nakaraang administrasyon sa kampanyang ito.

Kumbinsido naman si Dela Rosa na epektibo ang ipinapatupad na community-based drug rehabilitation programs.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble