KASALUKUYANG nirerebyu ng pamahalaan ang usapin tungkol sa kasalukuyang mababang taripa sa imported na bigas lalo ngayong papalapit na ang harvest season.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro makaraang matanong sa update kung may plano ang administrasyon na taasan muli ang rice tariff.
Ani Castro, upang hindi masyadong maapektuhan ang mga magsasaka lalo’t malapit na ang harvest season ay may ginagawa raw’ng pag-aaral hinggil sa usapin.
Ang Executive Order (EO) No. 62, na nagkabisa noong Hulyo 2024, ay nagpababa ng mga taripa sa pag-import sa bigas sa 15% mula 35% hanggang 2028 upang maibsan ang epekto ng inflation.
Sa ilalim ng EO, ang taripa ng bigas ay sasailalim sa pagsusuri ng NEDA kada apat na buwan.
Sa kabila ng pagpapatupad ng mas mababang taripa, nanatiling mataas ang presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan.
Sa kasalukuyan, wala pang detalye ang Palasyo kung may mga rekomendasyon na ba ang National Economic and Development Authority (NEDA) pagdating sa nasabing EO.
Gayunman, siniguro ng PCO na agad nitong ibibigay ang detalye kapag mayroon nang partikular na mga pag-uusap patungkol dito.
Follow SMNI News on Rumble