SA paggunita ng Araw ng Kalayaan, isang mabigat na pahayag ang binitiwan ng dating Chief Presidential Legal Counsel na si Atty. Salvador Panelo. Sa gitna ng mga isyu ng pambansang soberanya, tanong niya—hawak pa ba natin ang tunay na kalayaan?
“Tayo ba ngayon na tinamasa natin ang kalayaan, ang kasaganaan, ang kaligayahan na idinulot sa atin ay napanatili ba natin ito?” tanong ni Atty. Salvador Panelo.
Ito ang mabigat pahayag ni Atty. Panelo, ukol sa tunay na kahulugan at kalagayan ng kalayaan ng bansa sa kasalukuyang panahon.
Ayon kay Panelo, ang Araw ng Kalayaan ay hindi lamang selebrasyon, kundi panahon ng malalim na pagmumuni-muni para sa bawat Pilipino.
Dapat aniyang tanungin ng sambayanan kung naipagpatuloy ba natin ang diwa ng kalayaang ipinaglaban ng ating mga bayani tulad nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at iba pa na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
“Yun bang ating mga inihalal, nilagay sa kapangyarihan, ito ba ay pinagpatuloy nila ang ating pagiging malaya? Sapagkat kung titingnan natin, mukhang, hindi,” saad ni Atty. Salvador Panelo.
Tinukoy rin ni Panelo ang umano’y pagsuko ng pamahalaan sa soberanya ng bansa, kaugnay ng pagpayag na ipaubaya sa isang banyagang hukuman ang kaso ng isang dating pangulo.
Ayon sa kanya, ang hakbang na ito ay maituturing na pagsuway sa Konstitusyon at isang uri ng pagtataksil sa bansa, lalo na’t ang mga alegasyong krimen ay nangyari sa loob ng Pilipinas at kapwa Pilipino ang sangkot.
‘’Ang ibig sabihin nito ay ang pamahalaan na niluklok natin ay siya mismo ang sumira, lumabag sa Saligang batas,’’ dagdag nito.
Nag-iwan si Panelo ng hamon sa taumbayan—isang tanong na humihikayat ng pagninilay sa tunay na kahulugan ng kalayaan, hindi lang tuwing Hunyo 12 kundi sa bawat araw.
“Ang tanong ngayon, Araw ng kalayaan ngayon, papano tayo sasabihin sa atin na pinagdiriwang natin ang isang kalayaan, itong kalayaan na isinusuko, isinuko na ng mga taong ating itinalaga sa kapangyarihan. kayo ang sumagot sa ganyang katanungan. Kung karapat dapat ba na ipagdiwang natin ang ating freedom o hindi, ang ating kalayaan o hindi,” ani Panelo.
Ang tinutukoy ng dating opisyal ay ang umano’y iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang dalhin sa International Criminal Court (ICC), kaugnay ng mga akusasyong may kinalaman sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.