Pangalawang Pilipinong pinalaya mula sa Gaza, ligtas nang nakabalik sa Israel—PBBM

Pangalawang Pilipinong pinalaya mula sa Gaza, ligtas nang nakabalik sa Israel—PBBM

PINALAYA na ng Palestinian militant group ang Filipino national na si Noralyn Babadilla.

Ito ang kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang opisyal na X (dating Twitter) account nitong Miyerkules.

Ani Pangulong Marcos, ilang araw lamang matapos magpahayag ng pagkabahala sa kinaroroonan ni Noralyn Babadilla, malugod niyang ipinahayag na ligtas nang nakabalik ang nasabing Pinay sa Israel.

Sa kaniyang paglaya, sinabi ni Pangulong Marcos na lahat ng Pilipinong naapektuhan ng digmaan ay ‘accounted’ na.

Ipinahayag naman ni Pangulong Marcos na ipinagkatiwala niya sa mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv ang pagtugon sa mga pangangailangan ni Babadilla sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Israel.

Ipinaabot din ng Punong Ehekutibo ang kaniyang pasasalamat sa mga awtoridad ng Israel sa mabilis na aksiyon para sa pagpapalaya kay Babadilla at sa lahat ng patuloy na tulong nito sa mga Pilipino sa Israel.

Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang mga pamahalaan ng Egypt at State of Qatar para sa kanilang mahalagang papel sa prosesong ito sa nakalipas na ilang linggo.

Ang kalayaan ni Babadilla mula sa mga kamay ng Hamas ay dumating ilang araw matapos kumpirmahin ni Pangulong Marcos ang pagpapalaya ng Hamas sa Filipino national na si Gelienor “Jimmy” Pacheco.

Sina Babadilla at Pacheco ay kabilang sa mga dayuhang na-hostage ng Hamas noong Oktubre 7.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble