SSS, QMMC, nagkasundo para sa benepisyo ng job orders at contract service workers ng pagamutan

SSS, QMMC, nagkasundo para sa benepisyo ng job orders at contract service workers ng pagamutan

NILAGDAAN ng SSS at Quirino Memorial Medical Center (QMMC) ang isang memorandum of agreement para sa tinatawag na KaSSSangga Collect Program.

Pagkakaroon ng malubhang karamdaman, aksidente o trahedyang gawa ng tao o di naman kaya’y dulot ng kalamidad.

Ito ang mga pangyayari na hindi kontrolado ng isang tao.

Mga pangyayaring hindi inaasahan na maaaring darating sa buhay ng ninuman.

Ang mga hindi inaasahang pangyayaring ito ang maaaring matugunan ng nilagdaan kasunduan sa pagitan ng Social Security System (SSS) at Quirino Memorial Medical Center (QMMC), araw ng Miyerkules, para sa KaSSSangga Collect Program (KCP).

Ayon kay Atty. Voltaire Agas, Executive Vice President at Branch Operations Sector ng SSS na ang naturang programa ay nagbibigay ng social security coverage sa mga job orders (JO) at contract of service (COS) worker na naglilingkod sa local government units (LGUs), national government agencies (GAS), state universities and colleges (SUCs), at local water districts na hindi sakop ng Government Service Insurance System (GSIS) dahil sa kanilang employment status.

“Ito po ay isang pagpapatunay ng isang magandang governance ng inyong ospital dahil po sa pamamagitan ng MOA na ito ay naipapakita niyo na bukod sa you are trying to aim to provide a quality world class medical services pinapatunayan niyo hindi niyo po iniiwan ang kapakanan ng mga manggagawa dito lalo na itong tinatawag na contract worker and JOs dahil sila po ay walang social security protection so sa pamamagitan ng MOA natin mapapadali po natin ‘yung pag-oopen ng mga yan na maging self-employed SSS members,” ayon kay Atty. Voltaire Agas, Exec. Vice President, SSS Branch Operation Sector.

Sa ilalim ng kasunduan, ang SSS ay magbibigay ng social security coverage sa mga JO at COS workers ng QMMC bilang proteksiyon sa panahon ng kanilang pangangailangan katulad ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing, at iba pa.

Sinabi ni Dr. Evelyn Victoria Reside, Medical Center Chief II, ng QMMC na ang nasabing MOA signing ay may kaugnayan sa derektiba ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Ted Herbosa na pangalagaan ang kapakanan ng mga health workers.

“Sa ating 8-point agenda na isinusulong ni Secretary Herbosa kasama kasi sa kaniyang 8-point agenda for his term is to take care of the health of the healthcare workers kaya narito kami ngayon, we are one with you in taking care of our healthcare workers yan natin ang battle cry ng ating mga empleyado nakita naman natin na kung gaano kahalaga ang effort,t pagod, pawis, puyat ng bawat isang kawani ngayon. It’s time also to take care of ourselves and to allow our partners in SSS to also take care of us,” ayon kay Dr. Evelyn Victoria Reside, Center Chief II, QMMC.

Kaugnay rito, malaki ang naging pasasalamat ni Daniel Arpon, Jr. na isang taon pa lang bilang admin assistant sa human resource ng naturang center sa nasabing hakbang ng QMMC at ng SSS.

Aniya malaking tulong ito para sa kaniya upang magkaroon ng kasiguruhan sakaling darating ang hindi inaasahan na pangyayari.

“Unang-una po maraming salamat po sa SSS sa pagbibigay ng importansiya sa aming mga job orders,” ayon kay Daniel Arpon, Jr., Job Order, Admin Assistant, QMMC.

Para naman sa contract of service worker na si Analiza Mae Nicar, bilang isang babae habang hindi pa sila sakop ng GSIS ay importante na magkaroon ng benepisyo na galing sa SSS.

Nanggaling po kasi ako sa job order tapos naging regular contractor po ako pero as a government employee na wala pa po akong GSIS so itong MOA signing po napakagandang opportunity sa aming mga job order kasi magkakaroon na rin kami ng dagdag benepisyo na rin po.”

“SSS po life insurance at iba pa pang benepisyo as a woman po na babae po ako, magkakaroon po ng incase maternity, so meron na pong madadagdag sa amin na benefits,” ayon kay Analiza Mae Nicer, Contract of Service Worker, Admin Assistant II, QMMC.

Ang mga tinatawag na JO at COS worker ay ang mga manggagawa na nagtratrabaho sa gobyerno na hindi miyembro ng GSIS o SSS.

Sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program, ituturing na mga self-employed member ang mga JO at COS worker ng QMMC.

Ang kanilang buwanang hulog naman sa SSS ay nakadepende sa kanilang buwanang kita.

Tinatayang hindi bababa sa 200 JO at COS workers at 1,500 medical professionals gaya ng mga doktor, nurses, X-ray technicians, radiologists, atbp. ng QMMC ang makikinabang sa KaSSSangga Collect Program.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble