Panghuling SONA, inaasahang sesentro sa peace and security, foreign policy,  infrastructure at socio-economic programs

Panghuling SONA, inaasahang sesentro sa peace and security, foreign policy,  infrastructure at socio-economic programs

SA pang-anim at panghuling State of the Nation Address (SONA), ay babalikan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nakalipas na limang taon ng kanyang pamamahala bilang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque kung saan tututok aniya ang pangulo sa usapin na may kinalaman sa pag-unlad ng bansa, sa social economic programs, infrastructure, peace and security, at foreign policy.

Dagdag pa ni Roque, sasagutin din ng Punong Ehekutibo ang tanong na ‘ano’ at ‘saan’ na ang naabot ng Pilipinas, kasama na rin ang magiging plano sa huling taon ng kanyang panunungkulan bilang Presidente.

Matatandaan na una nang nagsagawa ng rehearsal si Pangulong Duterte noong Hulyo 21 para sa kanyang talumpati sa SONA.

Bago nito, nagsagawa na rin ng pre-SONA na pinangunahan ng cabinet members, na pinamagatang “Pamana ng Pagbabago: The 2021 Pre-SONA Forums.”

Ito ay kung saan tinalakay ang updates sa mga proyekto at plano ng gobyerno mula sa Human Development and Poverty Reduction Cluster (HDPRC), Participatory Governance Cluster (PGC), Security, Justice, and Peace Cluster (SJPC),  Climate Change Adaptation, Mitigation, and Disaster Risk Reduction Cluster.

Samantala, doon sa mga dadalo sa SONA, sabi ng tagapagsalita ng Palasyo na inaasahang karamihan na miyembro ng gabinete ay makararating nang pisikal sa SONA.

habang marahil halos via Zoom lang makadadalo ang mga dating presidente dahil nga halos seniors na iyong past presidents.

Kinumpirma na rin si Vice President Leni Robredo na online din ito dadalo sa SONA.

Sa kabilang dako, magpapatugtog ng mga pre-recorded na mga paboritong kanta ni PRRD, na kinanta ng Philippine Philharmonic Orchestra tulad ng “Ang Pagbabago,”  “Dust in the Wind,” “McArthur Park,” “What a Wonderful World,” at iba pa.

Ang singer na si Morissette Amon ang napiling kakanta ng Pambansang Awit sa pag-uumpisa ng SONA.

Habang si Radio Television Malacañang (RTVM) Director Danny Abad ang napiling director ng SONA ngayong taon.

Pagdating sa mga arrangement, sinabi ni Secretary Roque na halos kapareho rin sa nakalipas na taon.

Mahigpit na ipatutupad ng Presidential Security Guard (PSG) ang minimum health safety protocols kasabay ng SONA.

Pahihintulutan lamang ng PSG ang pagsusuot ng fashion masks na katerno ng mga damit para sa picture taking.

Pero kapag pumasok na sa plenaryo doon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, papapalitan ito ng medical grade masks habang magbibigay din ang PSG ng face shields oras na pumasok sa main building.

Hindi naman  papayagan ng PSG ang paglalakad sa kalsada sa loob ng complex.

Mayroon lamang ilalaan na shuttle para sa mga kailangan lumipat o pumunta sa kabilang gusali.

 

SMNI NEWS