Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpositibo sa COVID-19

ISINIWALAT ni Presidential Spokesperson Harry Roque na positibo ang naging resulta ng kanyang COVID-19 swab test.

Lumabas ang resulta kaninang 11:29 ng umaga habang nasa opisina ang kalihim ng New Executive Building (NEB) ng Malakanyang para sa live press briefing.

“Nakuha ko po ang resulta na nagpositibo ako para sa COVID,” ayon sa pahayag ni Roque.

Ayon pa kay Roque, naging negatibo naman ang nakaraang dalawang huling test kung saan isa rito ay noong Marso 10 para sa pagsama ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Dumaguete kinabukasan ng Marso 11.

BASAHIN: (Duterte at DOTr, pinasinayahan ang 2 tranport infra project ng Dumaguete)

Ayon kay Roque, ang pagkuha niya ng COVID-19 test kahapon ay para sana sa nakatakdang pagpupulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte mamayang gabi.

Nanawagan naman si Roque sa lahat ng nagkaroon ng kontak sa kanya na kailangang mag-quarantine.

Samantala, itinuloy pa rin ni Roque ang press briefing kaninang umaga na aniya ay nag-iisa lamang siya sa opisina kaya’t siya ay naka-Zoom.

SMNI NEWS