NAGPOSITIBO si Pangulong Bongbong Marcos sa isinagawang antigen test para sa COVID-19 kaninang umaga.
Ayon sa Office of the Press Secretary, may bahagyang lagnat ang Pangulo ngunit maayos naman ang kalagayan nito.
“The president has tested positive in an antigen test for COVID-19. He has a slight fever but otherwise okay. Those who have been in close contact with him are currently being informed by the Presidential Management Staff to observe their symptoms according to protocol,” pahayag ni Trixie Cruz-Angeles.
Pinayuhan na rin ng Presidential Management Staff ang mga naging close contact ng Pangulo na obserbahan ang sarili mula sa mga sintomas ng COVID-19.
Dahil dito, hindi makadalo ang Pangulo sa ika-246 anibersaryo ng US Independence na gaganapin sa U.S. Embassy.
Inaasahan namang lalahok si PBBM sa pamamagitan ng virtual sa Leagues of Governors and Mayors ngayong gabi upang magbigay ng kanyang talumpati.
Ang nasabing kaganapan ay bilang bahagi ng nagpapatuloy na kampanya ng sunod-sunod na pagbabakuna at dalawang booster shots bilang preparasyon sa pagbubukas ng face-to-face classes ngayong taon.
Tinanggal sa nasabing event ang dinner upang maiwasang magtanggal ng mask ang mga opisyal.
Inaasahan din sa gaganaping meeting ang presentasyon nina Vice President Sara Duterte, DILG, at Usec. Rosario Vergiere.
Ayon naman kay Health Usec. Vergerie, sasailalim sa isang linggong isolation ang pangulo at papayagang maibalik sa trabaho kung wala na itong sintomas.
“The President will be isolated for 7 days from the time that he was tested positive and after that after his symptoms is resolved already he may be able to go back to work and face to face activities,” ayon kay Usec. Vergerie.
Samantala, nagnegatibo naman sa antigen test si Rep. Sandro Marcos habang ang First Lady Liza Marcos at ang dalawang anak na si Simon at Vinny ay nasa out of town.
Hinihikayat naman ng Pangulo ang publiko na magpabakuna at magpa-booster shots na.