Pangulong Marcos, isusulong ang posisyon ng Pilipinas sa WPS sa ASEAN Summit

Pangulong Marcos, isusulong ang posisyon ng Pilipinas sa WPS sa ASEAN Summit

ISUSULONG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippines Sea (WPS) sa ASEAN Summit.

Sa unang pagkakataon ay magiging kinatawan ng Pilipinas si Pangulong Marcos sa ASEAN Summit na gaganapin sa Phnom Penh Cambodia mula November 10 – 13.

Dumating sa Cambodia si Pangulong Marcos lulan ng Philippine Airlines Miyerkules ng gabi.

Sa isang chance interview ng media kay Pangulong Marcos ay sinabi nitong umaasa itong magiging produktibo ang magiging talakayan sa ASEAN Summit.

Sa nakalipas na 3 taon ay ngayon lang maibabalik ang face-to-face sessions ng ASEAN Summit matapos tumama sa buong mundo ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Pangulong Marcos nais nitong mailatag sa ASEAN Summit ang posisyong ng Pilipinas kaugnay sa WPS.

‘’We will have to find a area of consensus ‘yun ang aking mga iniisip eh. Kasi kung hindi pa tayo makahanap ng area of consensus when it comes to that. Well, I think the code of conduct is medyo natutulog eh. It’s not really moving forward. Maybe we can do it using that, the code of conduct that is being proposed already,’’ ayon kay Pangulong Marcos.

‘’We already have actually, previous declaration which we can based that on. So that is, that is one of the many suggestions that I’m hoping to bring,’’ saad ni Pangulong Marcos.

Dagdag ni Pangulong Marcos na upang magkaroon ng resolusyon sa isyu ng WPS ay kailangan na gawing status quo muna ang lahat.

Pero aminado ang Chief Executive na marami na ang nagbago.

Dahil dito naniniwala si Pangulong Marcos na kinakailangan nang magkaroon ng panibagong Code of Conduct.

Sa kasalukuyan ang Code of Conduct sa isyu ng South China Sea ay sa pagitan ng ASEAN at ng bansang China.

Ang problemang nakikita ni Pangulong Marcos ay mayroong iba’t ibang posisyon ang mga ASEAN leaders at nararapat aniya mapag-isa ito.

“Hindi, kailangan natin makahanap ng paraan para i-resolve itong issue na ito. But to do that, we have to first status quo everything and that’s what the code of conduct will do, to leave things as status quo. The first declaration that we had also said that, that no changes. Pero marami nang nagbago, that’s why we need this new code of conduct,” ani Pangulong Marcos.

Itong mga isyu ang nakikita ni Pangulong Marcos na kaniyang nais talakayin sakaling magkaroon ito ng pagkakataon na makausap si Chinese President Xi Jingping.

Para kay Pangulong Marcos, imposibleng magkausap sila ng China na hindi natatalakay ang isyu ng WPS.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na nakikita nitong dapat mapag-usapan ng mga ASEAN leader at ibang pinuno ng bansa na dadalo sa Summit ang isyu ng seguridad sa rehiyon.

“Then there’s the issue of course of Myanmar. There’s the issue of China, Taiwan. There’s also the issue of the North Korea. So all these security issues have to be we have to discuss. And the only way that ASEAN member countries can actually deal with those challenges are as one, as a group,” paliwanag ni Pangulong Marcos.

Ito ay dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Myanmar, tension sa pagitan ng Taiwan at China at maging sa banta ng seguridad ng bansang North Korea.

Samantala, isa sa inaabangan ni Pangulong Marcos sa kaniyang pagdalo sa 40th at 41st ASEAN Summit sa Cambodia ay ang mga bilateral meetings nito.

Inihayag ni Pangulong Marcos na magkakaroon ito ng bilateral talk kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau.

Ito aniya ay magiging introductory muna dahil ito ang unang pagkakataon na magkita ang dalawang lider.

Samantala, inaasahan na muling magkakausap si Pangulong Marcos at French President Emmanuel Macron.

Una nang nagkita sina Pangulong Marcos at Macron sa sidelines ng United Nations General Assembly sa New York nitong Agosto.

Sa muling pagkikita nito ay posibleng matalakay ng dalawang lider ang mga usaping mahalaga sa pagitan ng Pilipinas at France lalo na sa usapin ng nuclear energy.

Follow SMNI NEWS in Twitter