MAGKAKAROON ng panibagong pagtaas sa mga presyo ng produktong langis sa bansa simula bukas, Abril 19.
Pinangunahan ng kumpanyang Pilipinas Shell at Seaoil ang dagdag-presyo.
P0.45 sa kada litro ng gasolina at kerosene habang nasa P1.70 naman sa kada litro ng diesel ang itataas sa presyo nito na magiging epektibo alas-6 ng umaga.
OIL PRICE HIKE
(April 19, 2022)
P0.45/L gasoline
P0.45/L kerosene
P1.70/L diesel
Kasama rin ang Cleanfuel na magpatutupad ng price adjustments epektibo 4:01 ng hapon, bukas.
Magtataas ito ng P0.45 sa kada litro ng gasolina habang nasa P1.70 naman sa kada litro ng diesel.
Kasunod nito, nagpahayag ng kanilang saloobin ang ilang drivers ng pampublikong sasakyan at ilang motorista.
Si Mang Roger Aleria na isang jeepney driver ay aminadong wala ring magagawa kung may pagtaas na naman ng presyo lalo’t patuloy pa ring apektado ang bansa ng gulo sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Para naman kay Mang Nilo, isa ring tsuper, dodoblehin na lang aniya nito ang pagtitiyaga para kumita ng mas malaki sa gitna ng inaasahang oil price hike.
Subalit para sa kay Rafael Lawrence Luis, sales staff ng isang kumpanya, talagang mabigat ang anumang pagtaas ng presyo ng gasolina lalo’t malalayo ang mga byahe nito.
Gayunpaman, umaasa pa rin si Rafael na maibabalik na sa normal na presyo ang gasolina.
Aminado naman si Aling Myrna na isang Grab driver na talagang mahirap mag-adjust ng budget sa gitna ng price adjustments sa produktong langis.
Ang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.