INAPRUBAHAN na sa Senado ang panukalang libreng entrance fee para sa mga kwalipikadong mag-aaral sa kolehiyo nitong Lunes Disyembre 11, 2023.
Sa botong 22-0, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. (SBN) 2441 o mas kilala bilang “Free College Entrance Examinations Act”.
Si Senator Christopher “Bong” Go, bilang author at co-sponsor ng naturang panukala, nagpahayag ng kaniyang pagsuporta sa nasabing inisyatiba.
Ayon kay Senator Go, mahalaga ang nasabing panukula upang makapagpatuloy ang bawat Pilipinong mag-aaral sa mas mataas na edukasyon at mabuksan ang pintuan lalong-lalo na sa mga mag-aaral na mula sa mahihirap na makapagtapos ng pag-aaral.
“This is a significant step towards ensuring that every Filipino student has the opportunity to pursue higher education. By removing financial barriers, we are opening doors for our youth, especially those from disadvantaged backgrounds, to reach their full potential,” pahayag ni Sen. Christopher “Bong” Go, Republic of the Philippines.
Ang Senate Bill 2441, ay pinagsamang panukalang inihain nina Senador Ramon Bong Revilla Jr., Mark Villar, Manuel ‘Lito’ Lapid, Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, at Raffy Tulfo na layuning suportahan ang Pilipinong mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya na kabilang sa tinukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ang naturang panukala ay nagtatakda sa mga kwalipikadong mga mag-aaral na hindi na magbayad sa examination fees and charges sa pribadong higher education institutions sa bansa.
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang inatasang mangangasiwa sa implementasyon sa nasabing hakbang kung tuluyan na itong maging ganap na batas.