NAGLABAS ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang digitalization ng National Identification (ID) system na maaaring gamitin para sa pampubliko at pribadong transaksyon.
Sa kanyang pakikipagpulong sa Private Sector Advisory Council (PSAC) on Digital Infrastructure sa Malacañang nitong Enero 12, kabilang sa mga tinalakay ang panukalang Public-Private Partnership (PPP) ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa paglulunsad ng Digital Phil ID App.
Kabilang sa mga target ng Philippine Identification System (PhilSys) ay ang pagsisimula ng isang mobile app sa unang quarter ngayong 2023.
Ito ay sa tulong ng pribadong sektor sa pamamagitan ng PPPs upang suportahan ang pagsisikap ng PSA na gawing digital ang National ID system.
Sa panahon ng talakayan, hiniling ni Pangulong Marcos sa pribadong sektor na tumulong na mailabas ang National ID, at binanggit na mayroon itong teknolohiya at kakayahan para sa mga bagong digital ID.
Nilagdaan ang Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act noong August 6, 2018.
Ang naturang batas ay naglalayong magtatag ng isang single national identification system para sa lahat ng mamamayan at residenteng dayuhan ng Pilipinas.